Abril 9, 2018, Daet, Camarines Norte – Sugat sa likod ang tinamo ng isang 29 anyos na binata matapos bigla na lamang umanong saksakin ng tatlong hindi nakilalang kalalakihan sa bahagi ng J.Lukban St. corner Magallanes St., Brgy III, Daet, Camarines Norte.

Kinilala ang biktimang si Francis Camacho y Idaloy, 29 anyos, binata at residente ng Purok 5, Barangay Cobangbang, Daet, Camarines Norte.

Base sa imbestigasyon ng Daet Municipal Police Station, dakong 1:00 ng madaling araw kahapon, Abril 8, 2018 habang naglalakad sa nasambit na lugar ang biktima kasama ang lima (5) pang kaibigan na pawang mga menor de edad, bigla na lamang umanong humugot ng hindi matukoy na uri ng patalim ang tatlong (3) kalalakihang kasalubong ng mga ito.

Sumigaw umano ang biktima ng “atras” na sinunod naman ng mga kasamahan nito. Tinangka rin ng biktima na tumakbo palayo subalit natumba ito sa kalsada at doon na sinaksak sa likod ng mga suspek.

Matapos ang pananaksak ay agad na tumakas ang mga suspek patungo sa bahagi ng Bgy. III ng naturang bayan habang agad namang dinala sa Camarines Norte Provincial Hospital ang biktima ng mga kasamahan nito.

Kasalukuyan nang nagsasagawa ng follow up investigation ang Daet PNP ukol sa pagkakakilanlan ng mga suspek at pagkadarakip sa mga ito.

 

Camarines Norte News