Abril 12, 2018, Daet, Camarines Norte – Kulungan ang bagsak ng isang 38 anyos na lalaki sa Brgy. Bagasbas matapos magpositibo sa ikinasang buy bust operation ng Daet PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) V dakong 4:30 ng hapon kamakalawa sa nasambit na lugar.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Miguel Panopio y Agapito, 38 anyos, binata at residente ng Purok 5, Brgy. Borabod, Daet, Camarines Norte.

Base sa tala ng Daet Municipal Police Station, nagresulta ang naturang operasyon sa pagkaka aresto sa suspek at pagkakakumpiska mula dito ng isang (1) selyadong transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu (buy bust drug) at isang (1) Php 500.00 bill na buy bust money.

Nakuha rin mula sa suspek ang dalawa (2) pang sachet ng hinihinalang ilegal na droga na kung saan ang isa (1) ay nakalagay sa isang (1) kulay itim na wallet at dalawang (2) piraso ng maliit na rolyo ng aluminium foil.

Sinaksihan ang nasabing operasyon ng mga ilang media representatives at mga opisyal ng naturang barangay.

Nasa kustodiya nan g Daet PNP ang suspek para sa kaukulang disposisyon habang inihahanda na rin ang kasong isasampa laban sa suspek para sa paglabag sa Section 5, 11 at 12 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002).

 

Charlotte V. Marco

Camarines Norte News