Abril 12, 2018, Vinzons, Camarines Norte – Nauwi sa pananaga ang pagtatalo ng isang pintor at isang magsasaka sa  Purok 2, Barangay Aguit-it, Vinzons, Camarines Norte.

Sa imbestigasyon ng Vinzons PNP, dakong 5:20 ng hapon kahapon, Abril 11, 2018 nang maganap ang pagtatalo ng biktimang si Alenn Trapalgar y Roxas, 43 anyos, pintor may asawa at suspek na si Lorena Umerez y De Panes, 40 anyos, magsasaka, kapwa residente ng nasambit na lugar.

Naging mainit umano ang pagtatalo ng dalawa kung saan dumukot ang suspek ng bolo at tinaga ang biktima ng dalawang beses sa kaliwang braso nito.

Matapos ang insidente ay agad na isinugod sa Labo District Hospital ang biktima habang dinala naman ng Chief Tanod ng nasabing barangay ang suspek sa Vinzons Municipal Police Station dala ang ginamit na patalim.

Nabatid na may matagal nang samaan ng loob ang suspek at biktima bago pa ang naturang insidente.

Nasa kustodiya na ng Vinzons MPS ang suspek para sa kaukulang disposisyon.

 

Charlotte V. Marco

Camarines Norte News