Abril 30, 2018, Sta. Elena, Camarines Norte – Pasok sa listahan ng mga bagong abogado sa bansa ang isang tubong Daet na ngayon ay residente ng bayan ng Sta. Elena matapos itong makalusot sa 2017 Bar Exams na ginanap Nobyembre nitong nakatalikod na taong 2017 sa University of Sto. Tomas, Manila.

Labis ang kasiyahan ng mga kamag anak at kakilala ng bagong hirang na abogado mula sa bayan ng Sta. Elena na si Atty. Mark Emann Baliza – Magas.

Nabatid na pangalawa si Atty. Magas sa tatlong anak nina Mrs. Jocelyn Baliza-Magas, Principal 2 ng Basiad Elementary School sa baan ng Sta. Elena at Mr. Manuel Magas, isang kawani ng DepEd. Ipinanganak ito sa bayan ng Daet subalit lumaki sa bayan ng Sta. Elena kung saan doon na rin ito nag-aral ng elementarya at sekondarya.

Nagtapos ang naturang bagong abogado ng elementarya sa M. Hebrado Elementary School at sekondarya sa Rizal High School sa naturang bayan.

Samamntala, nagtapos naman ito ng kolehiyo sa Bicol University sa Legazpi city at pagkatapos ay kumuha ng kursong abogasya sa Polytechnic University (PUP) Main Campus.

Nakumpleto naman nito ang abogasya nitong nakatalikod na taong 2017 kung saan agad din itong kumuha ng Bar Exams sa parehong taon at mapalad ngang napabilang sa 1,724 na nakapasa sa masusing eksaminasyon.

Ayon sa mga kaanak ng naturang abogado, likas na mahusay at masipag si Atty. Mark Emann. Sa katunayan ay nagtatrabaho ito sa POPCOM NCR habang nag aaral ng Law sa naturang unibersidad bago tuluyang matupad ang pangarap na maging isang abogado.

 

Camarines Norte News

Details and photo courtesy of Mam Anna Baliza Satarain