Abril 24, 2018, Daet, Camarines Norte – Isang maliit na business enterprise mula sa bayan ng Daet ang nakilahok sa 14th Philippine Food Expo na ginanap sa SMX Convention Center, Pasay City nitong nakatalikod na Abril 20 – 22, 2018.

Sa tulong ng Lokal na Pamahalaan ng Daet at sa pamamagitan ng Negosyo Center Daet ay matagumpay na naitampok at nakipagsabayan sa naturang food expo ang mga produkto ng Luchies Cakes, Pastries and Catering Services na pag aari ni Ms. Luz Salamero ng bayan ng Daet kasabay ng iba pang maliliit at malalaking food practitioners na mula sa ibat ibang panig ng bansa.

Kasamang ng Luchies’s na nagtungo sa expo ang mga katuwang nito mula sa LGU Daet na si Negosyo Center Manager Ma. Eliza H. Llovit at iba pang kawani ng lokal na pamahalaan.

Positibong nakapagtala ang naturang business enterprise ng mataas na retail sales at marami rin ang nagpabook ng orders bago pa man lang matapos ang expo.

Nakapagtie up din ito sa ilang potential foreign at local buyers.

Ikinatuwa rin ni Ms. Salamero ang mga bagong kaalamang nakuha mula sa expo ukol sa pagmamarket ng kaniyang mga produkto partikular na sa mga bagong pamamaraan ng packaging kung saan nagkaroon pa ito ng negosasyon sa ilang packaging companies.

Ang Philippine Food Expo ang itinuturing na pinakamalaking sourcing venue para sa mga Filipino Food Products. Nagbibigay ito ng magandang pagkakataon para sa mga kumpanya at mga exhibitors na maexpose o maipakilala ang kanilang mga produkto sa pambansang merkado maging sa international market at magkaroon ng mga bagong kaalaman upang makasabay sa integrasyon ng ASEAN Economic Community.

 

Camarines Norte News