Mayo 10, 2018, Daet, Camarines Norte – Tinalakay ng National Conciliation and Mediation Board (NCMB) ang makabagong pamamaraan ng paglutas sa mga problemang kinasasangkutan ng mga manggagawa at kani-kanilang employers sa ginanap na Press Conference kaninang umaga sa Calaguas Gateway Hotel, Daet, Camarines Norte.

Ayon kay Dir. Reynaldo S. Foncardas, Regional Director RCMB V, ang naturang pamamaraan ay ang Single Entry Approach (SEnA) Program. Ito ay isang makabagong kaparaanan upang mapabilis ang paglutas sa mga hidwaan at hindi pagkakaunawaan ng mga mga manggagawa at mga namumuhunan.

Layunin nitong lutasin ang mga suliranin sa pag gawa sa mababang lebel pa lamang o sa pagitan lamang ng dalawang sangkot na partido sa tulong ng NCMB bilang conciliator at mediator nang hindi na kailangan pang kumuha ng abogado at sumailalim sa proseso ng litigation na magastos at inaabot ng ilang taon bago maresolba.

Aniya, ang proseso ng SENA ay tatagal lamang ng hanggang tatlumpung (30) araw. Gayunpaman, maaari umano itong maextend kung hindi natapos ngunit mayroon pang nakikitang settlement sa problema.

Sa ilalim ng SENA, kinakailangang personal na dumulog ang complainant sa tanggapan ng NCMB kung saan magpi-fill ito ng form tungkol sa kaniyang reklamo. Pagkatapos nito ay susuriin agad ito ng technical working group at agad ding iischedule ang initial conference kung saan obligadong humarap ang panig ng complainant at ng management.

Mamamagitan umano dito ang kanilang opisina kung saan mismong hihilingin sa parehong panig na magpropose ng solusyon at magkaroon ng agreement upang malutas ito.

Sakaling hindi mabigyang solusyon, ililipat na umano ito sa kamay ng kinauukulan para sa proseso ng arbitration.

Nilinaw naman ng Direktor na bilang mga tagapamagitan, mga suhestiyon kung paano maaayos ang hidwaan ang kanilang ibinibigay at hindi nila sakop ang tungkol sa legalidad ng problema dahil legal artibration na ang naghahawak nito.

Nilinaw din nito na ang complain na ipaabot sa kanilang tanggapan ay hindi pa kasong legal kaya naman hinimok nito ang mga manggagawa at mga namumuhunan na nakararanas ng problema na huwag matakot na dumulog sa kanilang tanggapan upang malutas ito sa pamamagitan ng SENA.

 

 

Camarines Norte News