Mayo 14, 2018, Daet, Camarines Norte– Nagpaalala ang COMELEC sa mga botanteng mahuhuli sa pagboto na lampas na sa itinakdang oras na alas tres (3:00) ngayong hapon.

Ayon kay Election Officer Rommel Pajarin, Comelec Spokeperson sa lalawigan, kapag inabot na sa takdang oras na pagsasara at nasa pila pa ang ilang botante, magbibigay umano sila ng konsiderasyon at papayagang makaboto ang mga nakapilang botante na aabot sa tatlumpung metro  (30m) distansiya mula sa voting precinct. Kukunin ang pangalan ng mga ito upag itala.

Samantala, ang mga hindi umabot o lampas na sa itinalagang 30m ay hindi na pahihintulutang bumoto.

Kaya naman nagpaalala ang opisyal na upang hindi maranasan ang ganitong senaryo ay magtungo ng maaga sa mga voting precint upang di abutin ng pagsisiksikan at upang maiwasan ang iba pang problema sa oras ng pagboto.

Pinayuhan din ang ilang botante na umalis na kaagad pagkatapos bumoto.

Sa kasalukuyan ay nananatiling payapa at wala pang naitatalang anumang election related violence o eventualities sa lalawigan.

Nananatiling naka- full alert ang mga otoridad lalung lalo na sa mga itinuturing na election hotspot na 56 na mga barangay sa lalawigan.

 

Orlando Encinares

Camarines Norte News