Mayo 15, 2018, Daet, Camarines Norte- Naging mapayapa at matahimik ang ginanap na Barangay at SK Elections sa bayan ng Daet kahapon.

Ayon sa panayam ng Camarines Norte News kay PSupt. Wilmor Halamani, Hepe ng Daet PNP, walang naitalang anumang election related violence sa naturang bayan bago, habang at hanggang matapos ang ginanap na eleksiyon sa ibat ibang paaralan sa bayan ng Daet.

Aniya, nakakatuwa na makita ang magandang resulta ng kanilang paghahanda ng halos isang buwan para sa naturang araw.

Ayon sa opisyal, isang buwan bago ang eleksiyon ay pinaigting na ng kanilang pwersa ang pagsiguro sa seguridad sa pamamagitan ng visibility patrol na kung saan ay nagkaroon ng mobile patrol at motorcycle cops na 24 oras na umiikot sa mga barangay sa nasambit na bayan gayundin ang paglalagay ng mga checkpoint tuwing umaga at gabi sa ilang bahagi ng bayan.

Sa mismong araw naman ng halalan, 90% aniya ng kabuuang pwersa ng Daet PNP ang idineploy para sa police assistance sa mga voting stations. SIniguro umano ng opisyal na may nakatalagang police personel sa 50 metrong layo ng bawat polling center.

Ikinatuwa rin ng Hepe ang pakikipagtulungan ng komunidad gayundin ng mga force multipliers tulad ng kaniyang itinatag na Daet Finest Volunteers at ng ibat ibang ahensiya ng gobyerno.

Nabatid na naglagay ng outpost na binubuo ng incident command force ang PNP katuwang ang DOH, Municipal Health Office (MHO), MDRRMO, Red Cross at Kabalikat Charity para sa mabilisan at sabay sabay na pagresponde sakaling nagkaroon ng emergency.

Itinayo ito sa harap ng Daet Elementary School at sa may bahagi ng Camambugan.

Gayumpaman, wala namang naitalang emergency at election related violence ang kapulisan at idineklarang generally peaceful ang nagtapos na halalan sa bayan ng Daet.

 

Camarines Norte News