Mayo 15, 2018, Capalonga, Camarines Norte – Umaabot sa walong libong piso (Php 8,000) ang halaga ng natangay na pera at alahas ng hindi nakilalang kawatan sa isang tahanan sa Purok 2, Brgy. Catioan, Capalonga, Camarines Norte.

Kinilala ang biktima at may ari ng tahanan na si Norleo Magtibay y Comia, 56 anyos, may asawa at residente ng nasambit na lugar.

Base sa imbestigasyon ng Capalonga Municipal Police Station, dakong 3:00 ng madaling araw kahapon, Mayo 14, 2018 ng madiskubre ng biktima na bukas ang pinto ng kwarto nito at nawawala na ang pag aari nitong kwintas at cash na nagkakahalagang Php8,000 na pinaniniwalaang tinangay ng kawatan matapos pasukin ang tahanan habang natutulog ang biktima.

Natagpuan na lamang umano ng biktima ang wallet nito na wala ng laman at iniwan lamang ng kawatan malapit sa gate ng kanilang tahanan.

Nagsasagawa na ang Capalonga PNP ng follow up investigation ukol sa posibleng pagkakakilanlan ng suspek gayundin ang pagkadarakip dito.

 

Camarines Norte News