Hunyo 3, 2018, Daet, Camarines Norte – Ipinagdiwang kamakailan ang Volunteers’ Day ng Agriculture and Fishery Council (AFC) sa Camarines Norte na kauna-unahang isinagawa sa rehiyong bikol na ginanap sa Little Theater ng kapitolyo probinsya.

Pinangunahan ito ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) ng pamahalaang panlalawigan katuwang ang Philippine Council for Agriculture and Fisheries (PCAF) at Bureau of Fishery and Aquatic Resources (BFAR) ng Department of Agriculture (DA) at Provincial Agricultural and Fishery Council (PAFC) ng Camarines Norte.

Sa bahagi ng programa ay tinalakay ang mga programa ng DA para sa AFC, mga programa para sa mga mangingisda at ang ginagampanan ng agrikultura at pangisdaan.

Isinagawa rin ang reciting ng AFC pledge of commitment at ang pagbibigay ng gantimpala at sertipiko ng pakikiisa sa naturang gawain.

Ayon sa mensahe ni OIC Executive Director Sarah Gutierrez-Cayona ng PCAF na hinihikayat niya ang mga magsasaka na tulungan ang DA na maipatupad ang mga proyekto ng kagawaran ng agrikultura.

Aniya, ang mga magsasaka ay maaaring umutang ng puhunan sa pamahalaan para gamitin sa nais nilang itanim mula sa mga kooperatiba at hindi na kailangan ang anumang dokumento kundi ang kanilang identification card (ID) o pagkakakilanlan bilang miyembro ng asosasyon.

Ayon pa rin kay Cayona, dapat rin na kasama ang mga magsasaka sa pagpaplano at pagba-budget sa mga proyekto ng probinsiya.

Ipinahayag naman ni Engr. Almirante A. Abad, Provincial Agriculturist ng OPAg ang suporta ng pamahalaang panlalawigan sa AFC na sa pamamagitan ng kanilang tanggapan ay sumusubaybay sa mga gawaing pangangailangan ng AFC kung saan dito ay nagtalaga ng coordinator upang magampanan ang mga tungkulin na nakasaad sa manual operation nito.

Ayon pa rin kay Abad, ang AFC ng simulang buuin sa Camarines Norte taong 1987 ay nagkaroon ng pagsusumikap na maparating ang mga isyu na may kinalaman sa agrikultura at pangisdaan sa kanilang mga regular na konsultasyon ganundin ang mga pagpupulong na naaayon sa takdang panahon.

Sinabi pa niya na bilang pagkilala ng pamahalaang panlalawigan sa kontribusyon ng Provincial Agricultural and Fishery Council (PAFC) na katuwang sa pag-unlad ng lalawigan ay nagsimulang tumanggap ng honorarium ang mga opisyales nito sa bisa ng Executive Order No. 2006-12.

Ito ay kinatigan ng appropriation ordinance no. 029-06 na sinundan ng Provincial Ordinance No. 26-2007 na akda ni dating Bise Gobernador Jonah Pimentel na kasalukuyang gobernador ngayon ng lalawigan.

Ang kahagalahan ng Municipal Agricultural and Fishery Council (MAFC) ay kinilala ng pamahalaang panlalawigan kung saan ang mga MAFC chair ay pinagkalooban rin ng honorarium simula taong 2017 ganundin ang mga opisyales ng PAFC.

Dagdag pa ni Abad na nagpapadala rin ng kinatawan ang kanilang tanggapan sa mga pagpupulong ng MAFC sa kanilang mga bayan upang iparating ang mga programa ng Department of Agriculture (DA) at OPAg sa mga kasamahan sa AFC.

Ang kasalukuyang tagumpay ng AFC at kahusayan ay nai-uulat sa Bantayog na official publication ng pamahalaang panlalawigan ganundin ang programa sa radyo na mapapakinggan sa DWCN-FM Radyo Pilipinas na may titulong Agri-Pinoy Program ng OPAG upang maibahagi ang kaalaman sa makabagong teknolohiya sa pagsasaka.

Layunin ng naturang gawain na mahikayat ang mga miyembro at opisyales nito na mapanatili ang kanilang pagiging kasapi sa konseho at mahikayat pa ang mga potensiyal ng mga lider na sumapi sa AFC.

Layon din na ipakita ang talento ng mga miyembro ng AFC sa pamamagitan ng tagisan ng talino sa pag-awit, henyo at AFC spotted.

Makilala ang haligi ng mga AFC kung saan ang kanilang presensiya ang magsisilbing inspirasyon sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin bilang working partner ng pamahalaan.

Ganundin ang pagtalakay sa mga programa at proyekto ng pamahalaan bilang suporta sa AFC kabilang na ang OPAg ng pamahalaang panlalawigan, Kagawaran ng Pagsasaka at ang tungkulin na gagampanan ng isang kasapi.

 

Reyjun Villamonte

Camarines Norte News