Hunyo 3, 2018, Daet, Camarines Norte – Tinutugis ngayon ng Daet PNP ang suspek sa panloloob at pagpatay sa isang tricycle operator sa tahanan nito sa bayan ng Daet.

Kinilala ang napaslang na tricycle operator na si Pedro Lopez y Belleza, 67 anyos, biyudo, residente ng Purok 1, Barangay Mancruz, Daet, Camarines Norte.

Base sa pahayag sa Daet Municipal Police Station ni Cezar Montuya y Gardonia, 65 anyos, nagpapasada ng tricycle na pag aari ng biktima, dakong 7:00 ng umaga nitong nakatalikod na araw ng miyerkules ng magtungo siya sa tahanan ng biktima upang kunin ang ipapasadang tricycle.

Napansin umano nito na bahagyang nakabukas ang pintuan sa likurang bahagi ng bahay. Sumilip umano ito sa loob at laking gulat na lamang nang makitang nakahandusay sa kusina at naliligo na sa sariling dugo ang wala ng buhay na biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Daet MPS katuwang ang SOCO ng Provincial Crime Laboratory Office, CNPPO, lumalabas na nagtamo ng mga saksak sa katawan ang biktima na pinagnakawan din ng hindi pa nakikilalang suspek.

Nabatid na nagkalat ang ilang kagamitan sa loob ng tahanan indikasyon na posibleng nanlaban pa umano ang biktima sa suspek.

Samantala, kinumpirma ng mga kamag anak ng biktima na nawawala ang laptop na pag aari nito.

Wala namang nakitang senyales ng forced entry sa lugar ng krimen.

Nagsasagawa na ng follow up investigation ang Daet MPS upang matukoy ang posibleng pagkakakilanlan ng suspek at pagkadarakip dito.

 

Camarines Norte News