Hunyo 4, 2018, Labo, Camarines Norte – Isa ang patay habang sugatan naman ang ilan pang lulan ng pampasaherong jeep kabilang na ang driver at kunduktor nito sa isang aksidente sa bayan ng Labo.

Sangkot sa naturang aksidente ang pampasaherong jeep na may plate no. EVP660, may rutang Bagong Silang – Daet na pag aari ng isang Amalia Sabidalas.

Base sa tala ng Labo Municipal Police Station, dakong 4:30 ng hapon kahapon, Hunyo 3, 2018 nang magtungo sa kanilang himpilan si Gng. Maria Botial Saens, Brgy. Kagawad ng Brgy. Exciban upang ireport ang diumano ay pagkaka aksidente ng nasambit na sasakyan sa kanilag lugar kung saan lulan umano nito ang kaniyang anak.

Agad namang nagtungo sa lugar ng insidente ang kapulisan. Sa inisyal na imbestigasyon, napag alamang binabaybay ng naturang jeep ang kahabaan ng National Road mula sa bayan ng Daet patungong Brgy. Bagong Silang sa bayan ng Labo nang sa pagsapit sa kurbadang kalsada malapit sa tulay sa pagitan ng Brgy. Magtagangqui at Brgy. Exciban ay hindi na umano umagat ang preno ng sasakyan dahilan para mawalan ng kontrol ang drayber sa manibela at tuluyan nang sumadsad ang jeep sa gilid ng tulay.

Bunsod nito tumilapon ang mga pangarga ng naturang jeep habang nagtamo naman ng mga sugat sa ibat ibang bahagi ng katawan ang driver na si Roel Barrios Sena, 33 anyos, may asawa at residente ng Purok 1, Brgy.Exciban, bayan ng Labo gayundin ang kundoktor na si Ramil Barrios Sena, 30 anyos, residnte ng parehong lugar. Agad na isinugod sa Camarines Norte Provincial Hospital ang dalawa para sa atensiyong medikal.

Kabilang din sa nagtamo ng injury si Jennerose Esquilon, 13 anyos, residente ng Purok 4, Brgy. Bagong Silang I, Labo, Camarines Norte. Dinala naman si Esquilon sa Talobatib District Hospital.

Samantala, bagaman nadala pa sa CNPH ay hindi na nakaligtas pa si Ariel Botial Saenz, 20 anyos, residente ng Purok 1, Brgy. Exciban, bayan ng Labo na nagtamo ng matinding injury sa aksidete at idineklarang dead on arrival ng attending physican.

Hawak na ngayon ng Labo PNP ang lisensiya ang driver gayundin ang O.R, C.R. ng jeep na sangkot sa aksidente para sa kaukulang disposisyon.

 

Camarines Norte News

Photos courtesy of Ricky Pera