Hunyo 10, 2018, Daet, Camarines Norte – Handang handa na ang Lokal na Pamahalaan ng Daet sa pamumuno ni Mayor Benito “B2K” Ochoa at sa pamamagitan ng Municipal Tourism Office sa nalalapit na pagdiriwang ng kapistahan ng bayan at ng Pinyasan Festival 2018.

Hitik na hitik sa mga aktibidad ang sampung araw na pagdiriwang ng nasambit na Festival na aarangkada na at magsisimula sa pamamagitan ng Thanksgiving Mass at Opening Program sa Hunyo 15, 2018, araw ng biyernes sa Daet Heritage Center. Kasabay nito ay bubuksan din ang Bahay Anihan Agri Fair sa bahagi ng kalsadang sakop ng Magallanes Ilaod kung saan itatampok ang mga produktong pang agrikultura ng 25 na barangay na nasasakop ng bayan.

Kaabang abang din ang highlight ng festival na Grand Festival Parade at Tricycle Float Competition gayundin ang taunang Miss Pinyasan Pageant na ngayon ay dinagdagan pa ng isa pang pageant, ang Miss Gay Pinyasan 2018.

Kapapalooban din ang pagdiriwang ng ibat ibang kumpetisyon tulad ng quizcon, women’s beach volleyball cup, horse racing competition, surfing competition, cooking contest, billiard and dart tournament at chess competition.

Hindi din nawala ang mga aktibidad na maaaring lahukan ng lahat kababayan at mga enthusiasts tulad ng 1st Daet Extreme Moto Gymkhana, Pinyasan Color Fun Walk, 2nd Pinyasan Riding Connection Fun Bike at Laro ng Lahi.

Maghahatid din ng saya ang ilang mga celebrity performers mula sa mga kilalang shows sa gaganaping Pinyasan TNT Night.

Kaya naman patuloy ang pag anyaya ng Lokal na Pamahalaan sa lahat na saksihan, makilahok at makisaya sa natatanging pagdiriwang ng Pinyasan Festival ngayong taon sa bayan ng Daet.

 

Camarines Norte News