Hunyo 10, 2018, Daet, Camarines Norte – Makikiisa ang lalawigan ng Camarines Norte sa paggunita  sa 120th Philippine Independence o Araw ng Kalayaan sa araw ng martes, Hunyo 12, 2018.

Kaugnay nito, isang misa ng pasasalamat ang isasagawa sa araw ng Martes dakong 7:00 ng umaga sa Freedom Park, Provincial Capitol Complex.

Susundan ito ng Flag Raising Ceremonies at pagbibigay ng mensahe ng mga namumuno sa lokal na pamahalaan.

Matapos ito ay aarangkada naman ang Socio-Civic at Military Parade na dadaluhan ng mga kawani ng mga ahensya ng pamahalaan at instrumentalities, local government units, public at private schools, socio-civic at religious organization at mga mamamayan sa lalawigan. Magsisimula ang naturang parade sa Provincial Capitol Grounds at magtatapos sa bahagi ng Central Plaza Mall.

Magugunitang sa pamamagitan ng Executive Order No. 2018-04 na ibinaba ng Tanggapan ni Punong Lalawigan Jonah G. Pimentel ay hinimok rin ang lahat na makiisa sa makabuluhang pagdiriwang ng isa sa pinakamahalagang bahagi ng kasaysayan ng bansa.

Nabatid na nitong nakatalikod na araw ng huwebes, Hunyo 7, taong kasalukuyan ay una nang isinagawa ang pagpupulong ng ibat ibang ahensiya ng gobyerno  at mga radio groups sa lalawigan kaugnay ng pagsiguro sa kapayapaan at kaayusan ng selebrasyon. Pinangunahan ito ng Museum, Archive and Shrine Curation Division (MASCD) sa pamumuno ni Mr. Abhel Icatlo.

Ayon sa National Historical Commission of the Philippines, ang pagdiriwang 120th Philippine Independence Day ay may temang “Kalayaan 2018: Pagbabagong Ipinaglaban, Alay sa Masaganang Kinabukasan”.

 

Camarines Norte News

Details courtesy of Mam Ivy Consuelo Garcia and Camarines Norte Provincial Information Office (PIO)