Hunyo 13, 2018, Daet, Camarines Norte – Ipinagdiwang kahapon sa lalawigan ng Camarines Norte ang selebrasyon ng ika-120 Araw ng Kalayaan sa pamamagitan ng parada na ginanap sa bayan ng Daet kahapon.

Sa bahagi ng programa bilang palatuntunan sa Araw ng Kalayaan at pagtatanghal ng pambasang watawat ganundin ang gawaing paggunita ay nagkaroon ng misang pasasalamat sa Liwasan ng Kalayaan sa kapitolyo probinsiya.

Matapos nito ay ang pagtitipon sa harapang gusali ng kapitolyo kung saan isinagawa ang pambansang awit kaalinsabay ang pagtataas ng bandila kasunod ang watawat ng mga bayan.

Isinagawa rin ang panunumpa at pagpupugay sa watawat ganundin ang awiting Martsa Camarines Norte at mensahe mula naman kay Bokal Jay Pimentel bilang kinatawan ni Gobernador Jonah G. Pimentel at si Bise Gobernador Arthur Michael Canlas.

Kabilang sa mga nakiisa sa naturang gawain ang mga tanggapan ng lokal at pamahalaang nasyunal, Philippine Army (PA), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), ilang tanggapan ng pamahalaang panlalawigan, mga pribadong tanggapan, non-government organizations (NGOs), radio groups at mga mag-aaral mula sa pribado at pampublikong paaralan.

 

 

Nauna rito nagpalabas ng Kautusang Tagapagpaganap blg. 2018-04 si Gobernador Pimentel na nag-aatas sa lahat ng pambansang ahensiya at instrumentaliti, lahat ng lokal na pamahalaan, mga pampubliko at pribadong paaralan, sosyo-sibiko at panrelihiyong organisasyon at lahat ng mga kinauukulan na magbigay ng lubos na suporta sa naturang pagdiriwang.

Kasama din sa kautusan ang paglalagay ng watawat sa mga sasakyan, establisyemento, mga tanggapan at mga tahanan bilang pagwagayway ng ating pambansang watawat simula noong Mayo 28.

Nagpalabas rin ng Memorandum blg. 180524-03 para sa nasabing gawain at sa ika-157 anibersaryo ng kapanganakan ng bayaning si Dr. Jose P. Rizal na gugunitain sa Hunyo 19 ngayong taon.

Sa ating kasaysayan, ang Kalayaan ng Plipinas ay iprinoklama noong Hunyo 12, 1898 sa Cavite II El Viejo (Kawit, Cavite) kung saan inilahad sa publiko ang “Acta de la proclamacion de independencia del pueblo Filipino” na isinulat ni Ambrosio Rianzares Bautista.

Inihayag ng puwersang rebolusyunaryong Pilipino sa ilalim ni Heneral Emilio Aguinaldo ang Kalayaan at soberenya ng kapuluan ng Pilipinas mula sa pamumunong kolonyal ng Espanya.

Idineklara ang kasarinlan sa pagitan ng ikaapat at ikalima ng hapon sa Cavite sa pinamanang tahanan ni Hen. Aguinaldo kung saan ginanap ang pagwagayway ng pambansang watawat na siyang ginawa sa bansang Hongkong nina Marcella Agoncillo, Lorenza Agoncillo at Delfina Herboza.

Ang pagpapatugtog naman ng Marcha Filipina Magdalo bilang pambansang awit na kilala ngayon na Lupang Hinirang na siyang sinulat ni Julian Felipe at pinatugtog ng bandang San Francisco de Malabon.

Tema ng selebrasyon ngayong taon ang “Pagbabagong ipinaglaban, alay sa masaganang kinabukasan”.

 

Reyjun Villamonte

Camarines Norte News