Hunyo 21, 2018, Daet, Camarines Norte – Diskarte at kaalaman sa paghahanda at pagluluto ng putaheng Bicolano ang bida sa isinagawang Bicol Harvest Pilipinya at Cocolaing Challenge kamakailan sa Bagasbas beach, bayan ng Daet, Camarines Norte.

Buong tapang na tinanggap ng sektor ng kabataan mula sa ibat ibang panig ng lalawigan ang ibat ibang challenge na nauugnay sa pagbabalat at pagluluto ng mga produktong pang agrikultura sa lalawigan maging sa rehiyong Bicol tulad na lamang ng pinya, pili at niyog.

Kani-kaniyang istilo ang mga kalahok na nagpamalas ng angking kakayahan sa pagtitilad ng buo at di nahahating bunga ng pili, pagbabalat ng pinya at pag aalis ng “mata” nito at manu-manong pagkudkod ng bunga ng niyog.

Bawat kalahok ay nagpamalas ng ibat ibang diskarte sa mga nasambit na challenges dahilan sa ang may pinakamarami at pinakamabilis ang itatanghal na nagwagi.

Samantala, highlight naman ng kumpetisyon ang challenge na pagluluto ng pinakamasarap na ginataang laing.

Naging basehan sa pagpili ng mga nagwagi ang may pinakamaganda at maayos na table presentation ng mga binalatang pinya, pili, at ang ginataang gulay na gabi.

Ang naturang kumpetisyon ay pinangunahan ni dating Mayor Tito Sarte Sarion, head organizer at ito ay bahagi ng ipinagdiriwang na Pinyasan Festival ngayong taong 2018. Nagpahayag ang dating alkalde ng  pasasalamat sa mga kabataang nakilahok at nagnais na  mas malinang pa ang kanilang kaalaman sa pagluluto.

Sa huli ay iginawad ang mga gantimpala sa bawat kategoryang nanalo habang pinagsaluhan naman ng mga hurado at partisipante ang mismong mga putaheng niluto ng mga kabataan sa pamamagitan ng isang masayang boodle fight.

 

Orlando Encinares

Camarines Norte News