Hunyo 19, 2018, Daet, Camarines Norte – Ginugunita sa lalawigan ng Camarines Norte ang ika-157 anibersaryo ng kapanganakan ng bayaning si Dr. Jose P. Rizal ngayong araw.

Sa bahagi ng programa isinagawa sa Liwasan ng mga Bayani ang pagtataas ng bandila kasabay ng pambansang awit ganundin ang panunumpa at pagpupugay sa watawat at ang Martsa Camarines Norte.

Ito ay dinaluhan ng mga kawani mula sa ibat-ibang tanggapan ng pamahalaang panlalawigan, Knights of Rizal at mga mag-aaral.

Ang Liwasan ng mga Bayani ay lugar kung saan matatagpuan ang pinakaunang bantayog ni Rizal na itinatag sa bayan ng Daet noong Disyembre 30, 1898.

Kasunod ng pagtataas ng bandila ay ang mga panalangin ng sambayanan na pinangunahan ng Pastor ng United Evangelical Church of Daet, Imam ng Muslim Community at Parochial Vicar ng St. John the Baptist Parish.

Nagbigay naman ng pambungad na pananalita si Wilma Joy M. Del Monte, education program supervisor ng Department of Education (DepEd) at pagtanggap na pananalita naman si Sir Herminio S. Panotes, regional commander ng Knights of Rizal.

Nagbigay rin ng mensahe sa programa sina Gobernador Jonah G.Pimentel at Museum Curator Abel C. Icatlo ng Museum Archives and Shrine Curation Division (MASCD).

 

 

 

Kaugnay nito hinikayat ni Icatlo ang publiko na huwag tawaging Morga ang monumento ni Rizal sa bayan ng Daet kundi unang Bantayog ni Rizal dahil ang salitang Morga ay mula sa pangalan ng tao na si Antonio D. Morga na isang abogadong Espanyol na siyang may akda ng aklat na Las Islas Filipinas.

Matatandaan na si Rizal ay ipinganak noong Hunyo 19, 1861 at namatay noong Disyembre 30, 1896 sa edad na 35 taong gulang at gugunitain ang kanyang ika-122 taong anibersaryo sa buwan ng Disyembre ngayong taon.

Samantala, isasagawa naman sa Hunyo 27 ang Poster Making Contest kaugnay sa tema ng selebrasyon na “Jose Rizal: Simbolo ng Pagbabago para sa Masaganang Kinabukasan” kung saan ito ay lalahukan ng mga mag-aaral mula sa sekondarya ng pribado at pampublikong paaralan sa Camarines Norte.

Ito ay bahagi pa rin sa selebrasyon ng ika-120 taong Anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas na may temang “Pagbabagong ipinaglaban, alay sa masaganang kinabukasan”.

 

Reyjun Villamonte, PIA Camarines Norte

Camarines Norte News