Photo Caption: Social Security System President and Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc cites SSS programs during media interview headed by ICM Rosalita B. Manlangit during his visit being one of the Dangal ng Daet Awardee in line with the town fiesta and Pinyasan Festival, held June 23, 2018.

DAET, Camarines Norte, Hulyo 4 (PIA) — Target ng Social Security Sytem (SSS) sa bawat buwan ang P16 bilyon o makalikom ng P191 bilyon sa isang taon upang matugunan ang pangangailangan ng mga miyembro at mabayaran ang mga benepisyo nito.

Ayon sa pahayag ni Emmanuel F. Dooc, presidente at chief executive offficer ng Social Security System (SSS) bawat buwan ay kailangang magbayad ang SSS ng P16 bilyon para sa benepisyo ng 36 milyon na miyembro. Aniya, mula nang siya ay manungkulan sa SSS ay tumaas na sa P15 bilyon ang koleksiyon sa bawat buwan sa dati nitong P12 bilyon kung saan ang mga pangangailangan na benepisyo ay mahirap punuan kaya kailangan na tumaas pa ang kanilang investment income.

Ayon pa kay Dooc, ito ay malaking hamon sa sinuman na namumuno sa SSS na masiguro na mayroong sapat na pinansiyal na kakayahan ang sangay ng pamahalaan para matugunan ang pangangailangan ng mga miyembro. Kaugnay naman sa dagdag na benepisyo sa mga pensiyonado ay mabibigay ang kakulangan na P1,000 para sa kabuuang P2,000 na ipinangako bago matapos ang panunungkulan ni Presidente Rodrigo R. Duterte.

Hindi dapat madaliin ito dahil napakalaking halaga ang kailangan upang masustentuhan ang mga benepisyo dagdag pa ni Dooc. Ayon pa rin kay Dooc, balak rin ng kanilang pamunuan ng SSS na ipatupad ang pension loan na bagong programa na ibibigay sa mga pensiyonado na pipiliting isakatuparan kung saan naghahanda na ng mga pamamaraan upang maipatupad ito.

Upang mabigyan ng pagkakataon ang mga may pagkakautang sa SSS muling ipinatupad ang Loan Restructuring Program na nagsimula noong Abril 2, 2018 at magtatapos sa Oktubre 1 ngayong taon, kaya’t hinihikayat ang mga may pagkakautang na mag-aplay upang mabawasan ang kanilang bayarin at mawala rin ang penalidad.

Maliban pa dito ipatutupad rin ang Warrants of Distraint, Levy and Garnishment upang mas lalo pang maisakatuparan at mapalakas ang pangongolekta ng mga kontribusyon o bayarin. Bilang pangulo ng SSS ay malugod na nagpapaabot ng mga programa at mga paghahanda na ginagawa upang higit na mapalakas ang pondo ng SSS at mapalawak ito.

Si Dooc ay bumisita sa bayan upang tanggapin ang parangal bilang isa sa Outstanding Resident of Daet o Dangal ng Daet Awardee mula sa lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Benito Ochoa na iginawad sa Barangay Night sa Agro-Sports Center kaugnay ng kapistahan ng Daet at Pinyasan Festival. Siya ay ipinanganak sa bayan ng Daet na nag-aral simula sa unang baitang hanggang makapagtapos sa kolehiyo sa kursong pagtuturo sa Mabini Colleges. Nagtrabaho rin sa mga paaralan dito bilang guro at nabigyan ng scholarship sa Manila upang matapos ang kursong Special Education (SPED), naging abogado, nakapag-aral sa ibang bansa, nakapagtrabaho sa pribado at pampublikong tanggapan sa Manila at itong huli bilang PCEO ng SSS.

 

Reyjun Villamonte

Camarines Norte News