Photo caption: PDRRMO Administrative Officer Nancy U. Hernandez, discusses activities on National Disaster Resilience Month during PDRRMC meeting held July 3, 2018.

DAET, Camarines Norte, Hulyo 4 — Inilatag ng Provincial Risk Reduction Management Office (PDDRMO) ng pamahalaang panlalawigan ng Camarines Norte ang mga gawain at aktibidad para pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month ngayong buwan ng Hulyo.

Tema ng pagdiriwang ngayong taon ang “Katatagan sa kalamidad ay makakamtan kapag sapat ang kaalaman sa kahandaan”.

Ito ay kaugnay sa isinagawang pagpupulong kahapon ng PDRRM Council ng lalawigan sa Sangguniang Panlalawigan (SP) Session Hall sa kapitolyo probinsiya.

Kabilang sa mga gawain ang paligsahan sa Extemporaneous Speaking na gaganapin sa Hulyo 17 sa Little Theater ng kapitolyo at Poster Making sa Hulyo 19 sa Agro-Sport Center.

Magkakaroon naman ng Disaster Risk Reduction at Climate Change Adaptation (DRR/CCA) Symposium sa Hulyo 18 tungkol sa dagdag na kaalaman sa DRR/CCA para sa mga kabataan ganundin sa tema ng selebrasyon.

Ayon kay Nancy U. Hernandez, administrative officer ng PDRRMO at chairman ng naturang gawain, ang paligsahan ay bukas sa lahat na mga mag-aaral sa Camarines Norte mula sa elementarya at sekondarya ng pribado at pampublikong paaralan sa lalawigan.

Aniya, ang mga magwawagi ay tatanggap ng P5,000 sa unang pwesto; P3,000 sa pangalawa at P2,000 sa ikatlong pwesto kasama rin nito ang tropeyo samantalang P500 para sa consolation prizes.

Ang mga hindi magwawagi sa paligsahan ay tatanggap ng sertipiko ng pakikilahok.

Samantala, gaganapin naman sa Hulyo 27-29 ang Provincial DRR/CCA Skills Olympics na lalahukan ng mga mag-aaral mula sa elementarya hanggang kolehiyo kung saan ito ay isasagawa sa Sanayang Pangkaligtasan ng Camarines Norte sa Sitio Mat-I sa bayan ng Vinzons.

 

Reyjun Villamonte

Camarines Norte News