July 4, 2018, Daet, Camarines Norte – Nahuli mismo ng mga residente ng Holiday Homes Subdivision sa Barangay Lag-on ang tatlong lalaki na pinaghihinalaang nagnakaw ng mga manok sa kanilang lugar. Isa sa tatlong suspek ay nag eedad ng 22 taong gulang, at dalawa sa mga ito ay pawing mga menor de adad.

Ang nasabing mga suspek ang itinuturong responsible sa serye ng pagnanakaw ng mga panabong na manok sa nasabing subdibisyon. Patunay ng mga residente ang kuha ng CCTV Camera sa kanilang barangay kung saan nakilala ang mga kawatan.

Matapos na makita at makilala sa CCTV ang mga suspek, nagsagawa ng sariling entrapment ang mismong mga residente at ipinain sa mga ito ang kanila mismong mga manok.

Kamakalawa ng gabi, muling umatake ang mga salarin at ditto ay naaktuhan na ito ng mga residente at aktwal na hinuli ang mga suspek habang bitbit pa ang isang panabong na manok.

Agad na dinala sa Barangay ang tatlo, bago dinala na rin sa himpilan ng pulisya ng Daet.

Inamin ng mga suspek ang kanilang ginawang pagnanakaw at sinamahan ng mga ito ang mga pulis sa kanilang tahanan sa Brgy San Roque Mercedes. Doon natagpuan ang ilan pang mga nakaw na manok mula sa mga biktima sa Brgy Lag-on.

May ilan pang mga manok na nakita doon at pinaniniwalaang galing din ito sa pagnanakaw matapos aminin ng ama ng isa sa mga suspek na isa lamang sa napakaraming manok dito ang kanilang pag aari.

Nakakulong na ang suspek na bente dos (22) anyos, samantalang pinag aaralan pa ng mga awtoridad kung ano ang magiging desposisyon sa dalawang menor de edad gayung ang isa dito ay 17 anyos na.

Samantala, pinag aaralan din ng pulisya kung sasampahan din ng kaso ang magulang ng isa sa mga suspek matapos na mismong sa bahay ng mga ito natagpuan ang mga ninakaw na panabong na manok.

Camarines Norte News