DAET, Camarines Norte, Hulyo 5 — Binigyang parangal ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) ng pamahalaang panlalawigan ng Camarines Norte ang mga nanalo sa isinagawang poster making at essay writing contest sa Paseo de Bienvenidas sa bayan ng Daet kamakailan.

Ito ay bahagi sa pagdiriwang ng Environment Month sa nakaraang buwan ng Hunyo kaugnay sa Information, Education and Communication Campaign ng Aral Kalikasan Program ng PG-PENRO na may temang #BEAT PLASTIC POLLUTION “if you can’t reuse it, refuse it”.

Ang paligsahan ay batay sa tema ng selebrasyon kung saan ito ay nilahukan ng mga mag-aaral sa sekondarya ng pribado at pampublikong paaralan sa Camarines Norte.

Sa poster making, unang puwesto si Aeby Jhen C. Daniel ng Basud National High School, pangalawa si James Eidderf V. Elnar ng Froilan Lopez High School ng bayan ng San Vicente at pangatlong puwesto si Mark Anthony D. Yaba ng Moreno Integrated School ng Daet.

Unang puwesto naman si Katlyn May F. Galvez ng Daguit National High School ng Labo para sa essay writing, pangalawa si Juliana Cate I. Allaga ng Vinzons Pilot High School samantalang ikatlong puwesto si Leslie Kate B. Rellama ng Rizal National High School ng bayan ng Sta. Elena.

Ang mga nagwagi ay tumanggap ng gantimpalang halagang P3,000.00 sa unang puwesto, P2,000.00 sa pangalawa at P1,000.00 para sa ikatlong puwesto.

Kasama rin sa gantimpala ang medalya at certificate of commendation ganundin ang tropeyo para sa paaralan.

Ang mga hindi pinalad na magwagi sa naturang paligsahan ay tumanggap naman ng sertipiko ng pakikilahok.

 

Reyjun Villamonte

Camarines Norte News