July 5, 2018, Daet Camarins Norte – Tuloy-tuloy at walang humpay ang isinasagawang panghuhuli ng mga asong-kalye (ASKAL) ng tanggapan ng Provincial Veterenary Office (PROVET) sa buong lalawigan ng Camarines Norte.

Sa katunayan, ngayong umaga, Target ng Provincial Veterenary Dog Impounding Team ay ang sentro ng Daet, kasama na ang nasasakupan ng kapitolyo probinsyal.

Nabatid na mga bandang alas-otso (8:00) ng umaga, kanina ng mahuli sa loob mismo ng kapitolyo ang tatlong asong pagala-gala na kaagad na hinuli ng Dog Impounding Team ng naturang tanggapan.

Ito ay ginagawa ng Provincial veterinary Office, susog na rin sa ordinansa probinsyal na may layuning mabawasan ang nakakagat ng aso na positibo sa rabies na maaaring ikamatay ng biktima.

Kaugnay ng balitang ito’y nanawagan ang tanggapan ng PVO sa pangunguna ni Dr. Ronaldo Diezmo sa mga nagmamay-ari ng aso na maging responsible sa pag-aalaga ng anumang hayop partikular na ang aso maging ang pusa na kalimitang nagkakaroon ng rabis kapag hindi maayos ang pag-aalaga sa mga ito.

Napag-alaman na sa ngayon ay prayoridad din ng Dog Impounding Team ay sa mga National Highways kung saan malimit na dinaraanan ng mga galang aso na nagiging dahilan ng mga aksidente sa kalsada.

Dumarami kasi ang mga napapaulat mula sa tanggapan ng Philippine National Police(CNPPO) mula sa kanilang Police Blotter ang mga serye ng aksidente sa kalsada dahil sa mga pagala-galang aso na biglaang tumatawid sa mga National Highways.

Samantala, sa mga may-ari naman ng aso na nagnanais na i-claim ang kanilang alagang aso, inaabisuhan na kunin na lamang ito sa tanggapan ng mga Municipal Veterenary Office (MVO) sa kanilang lugar.

Binibigyan ng tatlong araw na palugit ang may ari ng aso para kunin ang kanilang alagang hayop. Sasailalim din ang mga ito sa pagpapayo ng mga MVO Officer para sa responsableng pag-aalaga ng hayop, at kung hindi ito makukuha ng may ari ay mapapabilang ito sa tinatawag na sistematikong pagkitil.

 

Lino Malabanan (DWCN 96.9)