July 6, 2018, Daet Camarines Norte – Maglulunsad ng Children’s Book Week Celebration ang Wenceslao Q. Vinzons Memorial Library o mas kilala bilang Camarines Norte Provincial Library sa darating na Hulyo 23-27, 2018. Tampok sa naturang selebrasyon ang temang “LIMANG K PARA MAGING OK SA AKLATAN”.

Ibat-ibang patimpalak ang inihanda para sa mga mag-aaral ng ika-lima at ika-anim na baitang mula sa pampubliko at pampribadong paaralan sa ating lalawigan. Sa Hulyo 23, 2018 ay pormal na uumpisahan ang programa sa pamamagitan ng Book Character Parade na iikot sa downtown Daet, at susundan ng Declamation Contest na isasagawa sa Agro Sports Center.

Ang 7th Spelling Bee (elimination round) ay isasagawa sa Hulyo 24, alas-2 (2:00) ng hapon sa Provincial Library, samantalang ang championship round naman ay sa Hulyo 26 sa nasabi ring oras at lugar.Sa Hulyo 25 naman isasagawa ang 3rd Provincial QUIZ Bee (elimination round) na magsisimula ng alas-2 (2:00) ng hapon, samantalang sa Hulyo 27 naman ang championship round. Tatanggap ng cash prize, trophy at medals ang mga kalahok na papalarin at sertipiko naman para sa lahat ng makikilahok bilang pagkilala sa kanilang partisipasiyon na igagawad sa huling araw ng aktibidad, Hulyo 27 alas-2 ng hapon.

Samantala, sa Hulyo 25, alas-9 (9:00) ng umaga ay magkakaroon ng Book Distribution para sa mga nasa Kindergarten at unang baitang ng mga napiling paaralan ng Provincial Library na ayon sa Library Services Division-Incharge Mrs. Lorenia Tuazon ay higit na nangangailangan ng mga aklat.

Layunin ng programa na mahikayat ang mga estudyante, maging ang mga propesyonal na magamit ang Panlalawigang Aklatan lalo na sa panahon ngayon na malaking pagsubok ang makabagong teknolohiya. Kaakibat naman nito ay ang patuloy na layuning mapaganda at higit na maisayos ang Wenceslao Q. Vinzons Memorial Library, gayundin ang mga serbisyo at tulong nitong handog sa mamayan lalo na sa mga mag-aaral.

 

Rafa Ignacio -DWCN-FM, Photo – AB