July 6, 2018, Daet Camarines Norte – Nakikiisa ang Provincial Government ng Camarines Norte sa panawagan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na nagbibigay babala sa ating mga kababayan sa patuloy na pagkalat ng fake overseas jobs na inilalathala ng mga scammers sa Facebook at iba pang job portals.

Sa pakikipag-ugnayan kay Bb. Nida Tosoc ng Public Employment Service Office (PESO), sinabi na dahil sa mga pinaigting na hakbang para matulungan ang ating mga kababayang huwag maloko, sa kagustuhan lamang na makapagtrabaho sa ibang bansa, ang Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng kanilang tanggapan ay bukas para matulungang makahanap ng trabaho at hindi mabiktima ng pananamantala.

Maaari lang daw makipag-ugnayan sa PESO na nasa likod ng Camarines Norte Agro Sports and Cultural Center. Maaari ring iugnay ng nasabing tanggapan sa Kapitolyo Probinsyal, ang ating mga Overseas Filipino workers (OFW) na maaring nagkakaroon ng problema sa kanilang bansang pinaglilingkuran.

Sa pamamagitan aniya ng pakikipag-ugnayan ng kapitolyo sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), POEA at iba pang ahensya ay maisasaayos ang anumang problema nila.

Sa report ng POEA na nakalap ng Provincial Information Office, ang mga scammers umano ay naghahayag ng vacancies mula sa mga international agencies, sa pamamagitan ng facebook. Ang mga trabahong ito ay nag-aalok ng mataas na suweldo, libreng transportasyon, pagkain at accommodation, mataas na overtime pay, paid vacation leave at iba pang benepisyo. Pero, ang mga applicants ay kailangang magbayad sa pagproseso ng dokumento, pati ang visa o work permit.

Kamakailan lang, ang POEA ay nakatanggap umano ng mga katanungan kung may katotohanan ang post ng isang public group sa Facebook na maraming trabaho para sa mga Pilipino sa bansang Canada, United States, New Zealand, Japan, Australia, United Kingdom at iba pa. Isang aplikante ang kinailangan pang magbayad ng P9,800.00 para sa visa fee na dapat ihulog sa isang PNB Account at pag nakabayad, ay aaprubahan ang working visa sa loob lamang 48 hours.

Nilinaw ng POEA sa isang pahayag na anumang iniaalok na trabaho sa pamamagitan ng e-mail o social media account na nangangailangan ng bayad para sa seminar, documentation at pagproseso ng visa at iba pang dokumento ay senyales na scam o panloloko ito.

Sa ating mga kababayan sa Camarines Norte, ipinaalala ni Bb. Nida Tosoc na bukod sa tulong na maaaring maiabot sa pamamagitan ng pag uugnay sa mga tanggapan tulad ng POEA, Commission on Filipino Overseas (CFO), Department of Foreign Affairs (DFA) at (OWWA), ang mga nais madagdagan ang kaalaman bago mangibang bansa ay maaring makapag aral ng libre sa TESDA, makipag-ugnayan lamang sa kanilang tanggapan. Samantala, sa panig naman ng POEA, maaaring bumisita online sa kanilang verification system sa www.poea.gov.ph at hotline numbers (02) 7221144 at 7221155.

 

Ivy Consuelo-Garcia (DWCN-FM)