July 18, 2018, Labo Camarines Norte – Naging matagumpay ang ika-apat na taong Municipal Skills Disaster Risk Reduction and Climate Change Adaptation (DRR/CCA) Olympics sa Tulay na Lupa National Highschool mula July 13, 2018 hanggang July 15, 2018. Ang tatlong araw na aktibidad ay pinangunahan ng Lokal na Pamahalaan ng Bayan ng Labo sa pamumuno ni Mayor Joseph Ascutia at MDRRMO Chief Argie Barco, sa patnubay ng Provincial Government, sa pamamagitan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer (PDRRMO) Mr. Antonio España.

Nagtagisan ng galing ang mga mag-aaral mula sa labindalawang Elementary at Secondary School (Junior at Senior High School) ng Labo, Camarines Norte. Nagpakitang-gilas ang mga kalahok sa kahandaan sa anumang sakuna at kalamidad na maaring dumating.

Sa panayam ng Provincial Information Office / DWCN FM Radyo Pilipinas kay Ginoong Barco, natiyak naman ang kaligtasan ng mga kalahok maging ng kanilang team. Ibayo ring paghahanda ang kanilang ginawa para sa nasabing matagumpay na aktibidad. Nagpaabot din siya ng pasasalamat sa Provincial Government dahil sa suporta sa nasabing Skills Olympics.

Dahil rin sa nakitang partisipasyon at kasiyahan ni Mayor Ascutia na aktibo at nadagdagan ang kaalaman ng mga batang Laboeño, dinoble naman nito ang premyo para sa mga nagwagi. Ang dating P10,000.00 para sa kampeon ay ginawang P20,000.00, P15,000.00 first runner up at P10,000.00 sa third runner up..Samantala, tumanggap din ng tig lilimang libong piso ang mga hindi pinalad sa naturang kumpetisyon.

Narito ang talaan ng mga nagwagi sa naturang Skills Olympics:
2nd runner up – East District / G. Palado Elementary School
1st runner up – Tulay na Lupa Elementary School
Samantalang sa West District naman ay tinanghal na 1st runner up ang F. Caudilla Elementary School at District Champion naman ang Macogon Elementary School Tinanghal naman na over-all champion ang Labo Elementary School Team B para sa Elementary Category.

Sa Junior High School, pinarangalan ng 2nd runner up ang Tulay na Lupa National HS, 1st runner up ang St. John the Apostle Academy at ang over-all champion ay Labo Science and Technology High School.
Pagdating naman sa Senior High School, 2nd runner up ang CNSC Labo Campus, 1st runner up ang Tulay na Lupa National High School at overall champion ang Labo Science National High School.

Ang mga nagwagi sa nasabing Skills Olympics ay ang magiging kinatawan ng Bayan ng Labo sa gaganaping Provincial Disaster Risk Reduction and Climate Change Adaptation Skills Olympics sa Sanayang Pangkaligtasan, Sitio Mat-i, Sto. Domingo, Vinzons, Camarines Norte sa darating na Hulyo 26-28, 2018.

 

Christian Villagen (DWCN-FM/Photos: LGU Labo / DWLB)

For Camarines Norte News