July 28, 2018, Labo Camarines Norte – Lalo pang pinaigting ng National Commission on Indigenous People (NCIP) Camarines Norte Provincial Office ang pagkalinga sa mga kapatid nating Kabihug, sa pamamagitan ng paglatag ng mga plano at mga proyektong pangkabuhayan para sa kanila. Sa isinagawang Stakeholders Forum on Manide Ancestral Domain Formulated Investment Plan sa Paradiso Verde, na para sa mga katutubo ng barangay Malaya, Labo, Camarines Norte.Ipinakita ng mga Facilitators ng NCIP sa pangunguna ni National Commission on Indigenous Peoples, Regional Director Lee T. Arroyo ang kanilang Investment Plan sa loob ng Limang taon.

Una ay ang Ancestral Domain Delineation and Titling. Nais kasi ng mga kapatid nating kabihug na mabigyan na ng titulo ng pamahalaan ang lupang inaari ng kanilang mga ninuno. Pangalawa ay ang pagtatayo ng

Indigenous Peoples Semi-Concrete Houses. Pangatlo ay ang pagkakaroon ng Medical Emergency Equipment and Supplies at ang panghuli ay ang pagsasagawa ng Family Development Session sa kanilang lugar upang mapaigting ang kamalayang pang-edukasyon at pangkalusugan.

Ang lahat ng ito ay maisasakatuparan sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan na kinabibilangan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) National Housing Authority (NHA) Local Government Units (LGU) at ng National Commission on Indigenous People (NCIP).

Samantala, Nilinaw naman ni NCIP Provincial Officer, Mrs. Agnes M. Salvino na ang lahat ng nailatag sa Investment Plan ay napag-usapan ng mga kabihug sa barangay Malaya at sila mismo ang gumawa ng plano ayon sa kanilang mga pangangailangan at sila lamang ang tanging facilitator nito. Nangako naman ang mga Stakeholders sa pamamagitan ng kanilang Commitment Pledge ng tulong o suporta para sa mga Manide o Kabihug.


Ayon kay Dr. Arnel Francisco, Assistant Provincial Health Officer, Zero Bill o walang anumang babayaran ang mga kabihug sa oras na itoy ma-admit sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH). Sa panig naman ng Philhealth, kukunin nila ang mga pangalan ng lahat ng mga Senior Citizens sa Barangay Malaya, Labo, para mapabilang sa listahan at mabigyan ng libreng Philhealth. Ang National Food Authority (NFA) naman ay maghahanap ng mga miyembro ng kabihug na siyang mamamahala sa pagtitinda ng bigas sa kanilang lugar upang di na lumuwas pa ng bundok dahil sa layo ng lalakarin palabas ng kabayanan.

Ang Department of Education (DEpED) naman ay magco-conduct ng mga seminars sa mga guro na siyang magtuturo sa mga kapatid nating kabihug at ang Philippine Army naman ay magpapatuloy sa pag-gabay sa kanila sa pamamagitan ng Peace Forum sa mga Tribo ng mga kabihug. Ayon sa mga opisyal ng NCIP, matutupad lamang ang lahat ng ito kung ang bawat isang stakeholders ay tutugon sa kanilang mga commitment.

 

Lino Malabanan (DWCN 96.9)

For Camarines Norte News