July 19, 2018, Paracale, Camarines Norte – Pinasok ng grupo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang isang abandonadong minahan sa Barangay Casalugan, sa bayan ng Paracale, Camarines Norte kaninang umaga.

Kasama ng DENR-MGB ang mga kinatawan ng PNP, Phil Army, opisyal ng barangay, mga miyembro ng media upang matiyak ang kapayapaan sa pagpasok sa minahan.

Pinangungunahan ng isang Ret. Col Mutoz, head ng Environmental Task Force mula sa punong tanggapan ng DENR at ni Atty. Jaime Gian Duka mula sa MGB ang nasabing operasyon.

Ilang impormasyon umano ang nakarating sa kaalaman ng DENR hinggil sa umano’y patuloy na operasyon ng nasabing minahan sa kabila ng kawalan ng Environmental Clearance Certificate (ECC) at ilang pang mga legal na dokumento para sa pagmimina.

Minsan na umano itong ni-raid ng NBI ng nakatalikod na taon (2017) kung kaya’t naipasara ito. Nasampahan na rin ng kaso ang sinasabing mga dayuhang Chinese na nagmamay ari umano ng mga heavy equipment na sinasabing kagamitan sa pagmimina.

Pinaniniwalaang ang dating Golden Giant na dating ni Raid ng NBI ay ito na ngayon ang Pacaya Corporation na sinasabing nag mamay-ari na ng mga pasilidad.

Maliban sa security Guard, wala namang naabutang personalidad sa loob ng mining site ang mga otoridad. Tanging ang ilang heavy equipment katulad ng Pay Loader at Generator sets, ang naabutan sa lugar na inaasahang kukumpiskahin ng DENR.

Ayun sa gwardya, matagal nang walang operasyon sa nasabing minahan na kanyang binabantayan. Wala na rin anyang mga pumupuntang mga personalidad sa lugar.

Sa kabila nito, malakas pa rin ang hinala ng mga operatiba ng DENR na posibleng patuloy pa rin ito sa kanilang operasyon ng pagmimina.

Samantala, sa paghahanap ng iba pang mga equipments, isang impormasyon ang ipinaabot sa mga operatiba na sa isang lupang pag mamay-ari ni dating Paracale Mayor Edgar Alcala nakahimpil ang ilang mga hinahanap na pasilidad.

Agad na tinungo ng grupo ang sinasambit na lugar sa Brgy Tawig sa nasabi ding bayan at doon natagpuan ang ilan pang mga equipments. Ito umano ang mga dati nang nakumpiska ng NBI at pansamantalang ipina custody lamang sa pamunuan pamahalaan ng Barangay Casalugan sa ilalim ng pamamahala ni dating Punong Barangay Rodolfo Laguador.

Palaisipan din kung papano ito nailabas sa Barangay Casalugan at napunta naman sa Brgy Tawig sa lupain ni Dating alkalde Alcala.

Samantala, sa panayam naman kay Ex Mayor Alcala sinabi nito na nagrerenta lamang sa kanya ang may-ari ng mga pasilidad. Wala umano syang alam kung ano ang estado ng nasabing mga kagamitan, at sa ngayon at meron naman silang nilagdaang kontrata para sa sampung taong pangungupahan sa kanyang lupa.

Inaasahan ding kukumpiskahin ng mga opisyal ng DENR ang nakitang mga kagamitan sa loob ng lupain ni Alcala gayung ito ay sumasailalim pa sa kaso at pina kostodiya lamang sa dating pamunuan ng Barangay Casalugan.

Sinikap ng News Team na makuha ang panig ng mga nag mamay-ari ng mga pasilidad subalit nabigo ang mga mamamahayag.

Aris Alexopoulos/Cool Radio News

For Camarines Norte News