Daet COP Supt. Rommel Labarro with Nardz Hernandez of Cool Radio News

July 19, 2018, Daet, Camarines Norte – Hindi kumbinsido si Daet MPS Chief of Police Supt. Rommel Labarro sa maliit na bilang ng mga barangay tanog na naka duty tuwing umaga sa halos lahat ng barangay sa bayan ng Daet.

Sa panayam ng Cool Radio News FM kay Supt. Labarro, sinabi nito na nais nyang makipag pulong sa mga punong barangay hinggil sa nasabing sitwasyon upang talakayin ito.

Ipinagtataka ng opisyal nang malaman na mismong sa kanyang barangay sa Barangay Camambugan na isa sa pinakamalaking barangay sa bayan ng Daet ay apat lamang ang tanod na nakaduty tuwing umaga, gayung meron silang dalawamput apat (24) na tanod sa kanilang barangay.

Anya, mas maraming mga kaganapan tuwing umaga na mas kinakailangan ang presensya ng mga tanod bilang force multiplier o katuwang ng mga kapulisan sa pagpapatupad ng kaayusan at kapayapaan sa mga barangay.

Sa kasalukuyang sitwasyon anya na napakaliit ng bilang ng kapulisan sa ating munisipalidad ay mas higit na kinakailangan nila ang tulong ng mga tanod sa mga barangay.

Sa ngayon anya, sa kabila ng kakulangan nila sa kapulisan sa bayan ng Daet, kailangan pa rin nilang gampanan ang kanilang obligasyon na pagtatalaga ng mga kapulisan sa mga paaralan katulad ng Camarines Norte National HS sa Brgy Camambugan, Daet, Elementary at sa Moreno Integrated School. Ito ay alinsunod naman sa Memorandum of Agreement sa pagitan ng mga paaralan at ng Daet MPS.

Nais ni Labarro na makatuwang nila dito ang mga tanod para maayos na mabantayan ang mga paaralan lalo’t higit sa mga paaralan na malalaki ang bilang ng mga mag aaral, at upang makapag concentrate ang kapulisan sa iba pang mga tungkulin katulad ng crime prevention at crime solution.

Umaasa si COP Supt. Labarro na sa kanyang pakikipag ugnayan sa mga opisyal ng barangay ay maikunsidera ang kanyang kahilingan na madagdagan ang bilang ng mga tanod na magduduty tuwing umaga.

 

Rodel Macaro Llovit/Cool Radio News

for Camarines Norte News