Hulyo 25, 2018, Daet, Camarines Norte – Nagtipon tipon kahapon sa Conference Room ng Daet Municipal Hall ang mga kapitan, barangay treasurer at kagawad in charge ng 25 barangay ng naturang bayan para sa isinagawang One Barangay One Product (OBOP) ReOrientation and Midyear Planning Workshop.

Pinangunahan ang nasambit na aktibidad ng Lokal na Pamahalaan ng Daet sa pamamgitan ng Negosyo Center sa pamumuno ni Negosyo Center Manager Ma. Eliza H. Llovit. Nagsilbi naman bilang tagapagsalita si Mr. Alvin R. Sayno,  Senior Trade and Industry Devt. Specialist ng Department of Trade and Indstry (DTI) Camarines Norte at Municipal Administrator Joan Kristine Tabernilla – De Luna.

Layunin ng naturang aktibidad na gabayan ang mga namumuno sa mga barangay upang makabuo ng kani kanilang strategic plan na kanilang gagamitin sa implementasyon ng “One Barangay One Product” (OBOP). Isa itong istratehiya upang mas matutukan ang mga programang pangkabuhayan o livelihood projects sa mga barangay base sa kung ano ang mga produktong maaaring idevelop at pagkakitaan sa kanilang lugar.

Mababatid na ang OBOP ay bahagi ng One Town One Barangay (OTOP) Project ng DTI na ni-localize ng LGU Daet sa pamamagitan ng Negosyo Center at Technology and Livelihood Development Center upang mas matutukan ng bawat barangay sa buong bayan ng Daet na malinang ang kani-kanilang lokal produkto at maipakilala ito sa lokal maging sa internasyonal na merkado gayundin ang makapagbigay ng dagdag na trabaho o pagkakakitaan sa mga mamamarangay .

Ang mga nasambit na hakbangin ay bilang pagpapakita ng Lokal na Pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Benito B2K Ochoa ng pagpapahalaga sa  pag angat ng kabuhayan at sama samang paglago ng ekonomiya ng bayan ng Daet.

 

Charlotte V. Marco

Camarines Norte News