Hunyo 16, 2018, Daet, Camarines Norte Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Pinyasan Festival ngayong taon, itinatampok ang mga lokal na produkto ng bayan ng Daet at iba pang bayan sa lalawigan sa pamamagitan ng 25th Pinyasan Festival Food and Crafts Fair na matatagpuan sa loob ng Central Plaza Mall sa bayan ng Daet.

Ngayong araw nga ay pormal nang binuksan sa publiko ang nasambit na fair kung saan ibinibenta sa abot kayang halaga ang ibat ibang likhang produkto ng apatnapung (40) Micro Small and Medium Enterprises (MSME’s) sa lalawigan tulad ng mga food and pastry products, pampasalubong, beauty products, native products gaya ng bags, tsinelas at iba pa maging mga native home decors.

 

Pinasimulan ang pagbubukas ng naturang Food and Crafts Fair sa pamamagitan ng isang maiksing programa at ribbon cutting na pinangunahan ni Municipal Administrator Joan Kristine Tabernilla – De Luna, Committee on Tourism Chairman Konsehal Apolonio “Poloy” Panong, LGU-Daet Negosyo Center Manager Ma. Eliza H. Llovit at Christie A.Rivera, Supervising Trade and Industry Development Specialist ng DTI Camarines Norte Provincial Office .

Hindi rin nagpahuli ang butihing Mayor ng bayan ng Daet Mayor Benito “B2K” Ochoa na personal na nagtungo at naglibot sa nasambit na fair upang magpaabot ng kanyang suporta sa mga MSME na nakilahok sa fair lalung lalo na sa kaniyang nasasakupan.

Kaya naman hinihikayat ang lahat na huwag palampasin ang pambihirang pagkakataon kung saan nagsama sama ang mga lokal na negosyante sa buong Camarines Norte upang itampok ang mga maipagmamalaking produkto ng lalawigan kasabay ng paalalang tangkilin ang sariling atin.

Bukas sa publiko ang naturang fair hanggang sa Hunyo 24, taong kasalukuyan.

 

Charlotte V. Marco

Camarines Norte News