August 2, 2018, Daet Camarines Norte – Nakatakdang makipagpulong si National Irrigation Administration (NIA) Administrator Gen. Ricardo Ramoran Visaya (Ret) sa mga lider ng Irrigators Association sa Lalawigan ng Camarines Norte.

Isasagawa ang NIA Stakeholders Forum sa Agosto 10, 2018, ika-9 ng umaga sa Catherine’s Bagasbas Lighthouse, Hotel and Resort, Barangay Bagasbas, Daet, Camarines Norte. Layunin ng nasabing pagtitipon na ipaalam ang kalagayan o status ng irrigation development sa ating Lalawigan gayundin ang mga kasalukuyan at ipatutupad pang programa at proyekto, sa ilalim ng Administrasyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Nais rin ng NIA na makakuha ng mga rekomendasyon at feedback kung paano pang lalong mapagbubuti ang mga programa ng ahensya at ang magiging ambag nito na may kaugnayan sa agricultural development ng Camarines Norte at sa economic upliftment ng mga magsasaka.

Ayon kay Engr. Alvin L. Macasinag, Acting Manager ng Camarines Norte Irrigation Management Office, para higit na maging makabuluhan at maipakita ang suporta at kooperasyon ng mga stakeholders, isang Covenant Signing din ang magaganap bilang suporta sa mas mabilis, maayos, tuloy-tuloy at maaasahang serbisyo ng irigasyon sa ating Lalawigan.

Inaasahang dadalo rin, batay sa imbitasyon ang Punong Lalawigan, mga kinatawan ng dalawang distrito ng Camarines Norte, mga kinatawan ng Philippine Army at Philippine National Police, Obispo ng Archdiocese of Daet, Pangulo ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP), Department of Agriculture (DA), at Department of Agrarian Reform (DAR).

Labis naman ang pasasalamat ng Pamahalaang Panlalawigan ng Camarines Norte sa nasabing hakbang ng ahensya, dahil malaking tulong ang pagtitipon para sa mga stakeholders, partikular sa Irrigator’s Association sa ating lugar.

 

Ivy Consuelo-Garcia / Photos: NIA

for Camarines Norte News