August 3, 2018, Daet, Camarines Norte – Buong pusong ipinagmamalaki ng mga kababayan nating inmates sa Camarines Norte Provincial Jail o CNPJ ang sari-saring produkto na mismong sila ang may gawa mula sa scrap materials tulad ng plastic bottle, papel at mga kahoy na kalimitang ginagawang keychain, picture frame at alkansiya na may iba’t-ibang disenyo na maaring pagpilian na ginagawa nila ngayong income-generating program.

Sa pagdalaw ng mga kinatawan ng Provincial Information Office sa Panlalawigang Piitan, napag-alamang ang mga nalilikom na pera mula sa Livelihood project na ito ay nagsisilbing tulong nila sa mga kapwa nila inmates na malilipat sa Munti, Correctional, Rehab, Boys town at iba pa o tinatawag na “Layo”.

May dalawang uri ng livelihood program at ito ay ang SOLO ENTREPRENEUR at KOOPERATIBA na tinatawag na Therapeutic Community Modality Program Cooperative o TCMP. Ito ang magsisilbi nilang baon o panimula sa paglipat sa ibang lugar.

Samantala, ang kooperatibang TCMP ay binuo noong nakarang taon ng mga inmates na nag tutulong tulong sa pag gawa ng iba-t-ibang produkto na pwedeng ipagbili na mula naman sa sariling bulsa o kontribusyon ng mga opisyales ng nasabing kooperatiba bilang puhunan.

Kaugnay nito, nagpapatuloy ang Values Formation Reflection para sa mga inmates tuwing Martes at Huwebes upang pag usapan ang kwento sa likod ng kanilang mga ginawang produkto, na nagsisilbing inspirasyon at hanap-buhay kahit na sila ay nasa loob ng bilangguan o depende sa tema na ibibigay ng kanilang mga tagapagsalita mula sa Department of Education (DepEd).

Sa mga nais tumulong o bumili ng kanilang mga produkto, makipag ugnayan lamang sa pamunuan ng CNPJ o kay Provincial Jail Warden Reynaldo Pajarillo.

 

Alnhea Talento

for Camarines Norte News