Agosto 6, 2018, Daet, Camarines Norte – Mahigpit ngayon ang paalala ng Lokal na Pamahalaan ng Daet sa mga nasasakupan na barangay ukol sa bawal na pagtatapon ng basura sa mga katubigang sakop ng bayan.

Ito ay kasunod ng pagsasara ng open dumpsite sa Barangay Bibirao nitong nakatalikod na Agosto 1, 2018 base sa kauutusang ibinaba ng DENR-EMB.

Ayon kay Municipal Administrator Joan Kristie Tabernilla De – Luna, dahil sa nasabing pagsasara ng open dumpsite ay hindi umano maiaalis ang posibilidad ng pagtatapon ng mga basura sa ilog at iba pang katubigang sakop ng bayan.

Ganunpaman, magiging mahigpit umano ang pagbabantay dito at siguradong mananagot sa batas ang sinumang lalabag alinsunod na rin sa solid waste management act.

Bukod dito, istrikto pa rin umano nilang ipapatupad ang mga ordinansa sa tamang pagtatapon ng basura sa pamamagitan ng kanilang MENRO.

Magugunitang bago pa man ang pagsasara ng open dumpsite ay sinimulan na ang information drive sa mga barangay ukol sa tamang pagtatapon at paghihiwa-hiwalay ng mga basura at ngayon nga ay ipinauubaya na sa mga ito ang wastong pamamahala ng basura kung saan maigting na isinusulong ang mga pamamaraan tulad ng proper waste segregation, recycling at pag-gamit sa material recovery facilities sa bawat barangay alinsunod sa Republic Act 9003 o Solid Waste Management Act.

 

Camarines Norte News