Agosto 8, 2018, Talisay, Camarines Norte – Tatlong (3) silid aralan ang nilamon ng apoy sa sunog na sumiklab dakong 12:25 ng kahapon, Agosto 7, 2018 sa Gabon Elementary School, Brgy. Gabon, bayan ng Talisay.

Sa report ng BFP Daet, isang tawag mula kay Brgy. Kapitan Jaime Arevalo ng nasabing barangay ang natanggap ng kanilang tanggapan ukol sa umano ay nasusunog na silid aralan sa kanilang lugar.

Agad namang nagtungo sa fire scene ang mga personel ng nasambit na istasyon upang sugpuin ang apoy at magsagawa  ng imbestigasyon. Rumisponde rin sa lugar ang mga personel ng Vinzons Fire Station.

Mabilis namang naapula ang apoy at idineklarang fire out matapos ang halos labinlimang  (15) minuto.

Ayon sa mga saksi, malaki at kalat na umano ang apoy nang madiskubre ng mga residenteng malapit dito. Wala rin umanong klase nang mga oras na iyon kaya hindi agad na napansin ang pagsimula ng sunog.

Wala namang naitalang nasaktan sa naturang sunog na hinihinalang nag umpisa sa faulty electrical wiring ng isa sa mga silid at nagdulot ng pinsala na umaabot sa halagang  humigit kumulang Php 168,000.00.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng otoridad ukol sa tunay na sanhi ng sunog.

 

Camarines Norte News