Agosto 8, 2018, Daet, Camarines Norte – Tinalakay ng Camarines Norte Electric Cooperative (CANORECO) ang tamang pagtitipid at mga pamamaraan para sa kaligtasan sa paggamit ng kuryente kaugnay sa isinagawang ika-3 Information Caravan/One Stop Shop ng Camarines Norte Communications Network (CNCN) sa bayan ng Capalonga kamakailan.

Ayon kay Crystal Mae M. David, information officer ng CANORECO, simula araw ng Lunes hanggang Biyernes (weekdays) sa ganap na 9:00 ng umaga hanggang 9:00 ng gabi ay ito ang oras na mataas ang gamit ng kuryente samantalang ang oras naman bago sumapit ang ika-9 ng umaga at matapos ang ika-9 ng gabi ganundin ang Sabado at Lingo kasama na ang mga araw na walang pasok o trabaho (holidays) ay mababa ang kunsumo.

Aniya, kung bibili tayo ng mga kagamitan katulad ng telebisyon ay piliin ang Liquid Crystal Display (LCD) dahil mababa ang kunsumo at umaabot lamang sa 1/3 na enerhiya ang nakukuha nito kumpara sa mga ibang telebisyon na mataas ang gamit sa kuryente at kung bibili naman ng ilaw ay siguraduhin na ito ay Compact Fluorescent Lamp (CFL) upang makatipid rin sa kunsumo.

Ayon pa rin kay David, kapag wala tayong ginagawa o walang pasok sa trabaho (weekend) kung saan ito ang oras na tayo ay naglalaba at namamalantsa ay iwasan ang paisa-isa dahil malaki ang nagagamit na kuryente at kung maaari ay gawin ito ng maramihan o sa araw ng Sabado at Linggo.

Sakaling may mga ginagamit tayo na refrigerator o palamigan ay siguraduhin na ito ay nakasara dahil malaki rin ang mababawas na kunsumo kung tayo ay magtitipid at kapag gumagamit ng washing machine ay iwasan na lagyan ito ng madami o punuin (overload).

Pinaalalahanan rin ni David ang publiko na ang kuryente ay delikado at nakamamatay kaya laging mag-ingat at iwasan ang mga octopus wiring dahil ito ay pinagmumulan ng sunog.

Huwag rin hawakan ang mga kagamitang de-kuryente at ang mga saksakan lalo na kung basa ang kamay upang maiwasan ang sanhi ng insidente at ilayo ang mga bagay na malapit sa pinaglulutuan o madaling dikitan ng apoy.

Sinabi pa ni David na ang mga outlet naman ay kailangan rin na mabantayan o ingatan dahil ang mga bata sa loob ng tahanan ay hindi maiwasan ang paglalaro at maaari nila itong mahawakan at sila ay makuryente.

Kung magpapasuri ng mga kable o installation ng kuryente sa ating mga tahanan ay dapat dalubhasa o registered electrician upang masiguro ang ligtas na pagsasa-ayos at paglalagay.

Kapag may sunog na sanhi ay kuryente ay huwag agad itong apulain o buhusan ng tubig kundi isara (off) ang pinaka-main switch upang hindi na dumaloy ang kuryente at kung mayroong fire extinguisher ay maaari itong gamitin ayon pa rin sa pahayag ni David.

Inanunsiyo rin ni David na sa darating na ika-25 ng Agosto ngayong taon ay isasagawa ang Annual General Membership Assembly (AGMA) na gaganapin sa Sports Complex sa bayan ng Labo at Agro-Sport Center ng kapitolyo probinsiya sa bayan ng Daet.

Ang AGMA ay regular na itinatakda sa bawat taon tuwing huling araw ng Sabado sa buwan ng Agosto base na rin sa  National Electrification Administration (NEA) guidelines upang magkaroon ng pagkakataon ang pamunuan ng CANORECO na maipaabot sa kanilang mga miyembro konsumedores ang taunang kalagayan ng kooperatiba lalo’t higit ang kalagayang pinansyal na iuulat ng kanilang ingat yaman.

Samantala, inihayag rin ng mga hepe at kinatawan ng mga ahensiya ang kanilang mga programa, proyekto at serbisyo, kabilang ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) ng pamahalaang panlalawigan, Land Transportation Office (LTO), Department of Trade and Industry (DTI), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Kasama rin na nagbigay ng serbisyo ang National Food Authority (NFA), Social Security System (SSS), Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine Health Insurance Corporations (PhilHealth), Commission on Elections (COMELEC), Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Municipal Police Station (MPS) at Public Employment Service Office (PESO) ng Capalonga.

Pinasalamatan naman ni Mayor Senandro Jalgalado ang mga ahensiya na nakiisa sa programa at makikipag-ugnayan sa PDEA upang mapabilis ang pagdeklara ng 22 barangay upang mapabilang sa drug free sa Camarines Norte.

Tinalakay rin sa programa ang kahalagahan ng Freedom of Information (FOI) ng Philippine Information Agency (PIA) ng Camarines Norte sa pamamagitan ng Atas Tagapagpaganap Blg. 2 sa Malayang Pagkuha ng Impormayon (FOI) kung saan sinisiguro nito ang kostitusyunal na karapatan ng mamamayan sa mga impormasyong may kinalaman sa publiko.

 

Reyjun Villamonte

For Camarines Norte News