Agosto 10, 2018, Labo, Camarines Norte – Agad binawian ng buhay ang isang motorcycle rider matapos harangin at barilin ng dalawang hindi nakilalang suspek sa Brgy. Malaya, Labo, Camarines Norte dakong 8:30 ng umaga kahapon, Agosto 9, 2018.

Kinilala ang biktima na si Edwin Pustigo y Serrano, nasa hustong edad, may asawa, minero at residente ng Brgy. Macogon, Labo, Camarines Norte.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Labo Municipal Police Station (MPS), binabagtas ng biktima ang kalsada sa nasambit na lugar sakay ng isang motorsiklo kasama ang kapwa nito minero na kinilalang si Jericho Castro y Batarlo, 30 anyos, residente ng Brgy. Malaya nang bigla na lamang umanong harangin ang mga ito ng dalawang lalaki at pinababa ng motorsiklo.

Matapos ang ilang sandali ay pinadapa umano ng mga suspek si Castro habang pinaputukan naman si Seranno gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril na nagresulta sa agaran nitong pagkasawi.

Agad naman umanong tumakas ang mga suspek patungo sa hindi hindi pa matukoy na lugar.

Sa kasalukuyan ay inaalam pa ang motibo ng pamamaril.

Patuloy rin ang isinasagawang follow up investigation at hot pursuit operation ng Labo MPS para sa pagkakakilanlan at kinaroroonan ng mga suspek.

 

Camarines Norte News