Agosto 12, 2018, Daet, Camarines Norte – Muling nakipagsabayan sa mga exhibitors ang mga lokal na produkto ng bayan ng Daet sa pamamagitan ng limang (5) MSME’s na ipinadala ng Lokal na Pamahalaan ng Daet sa ginanap na  2nd Regional Food and Travel Expo 2018 (REFTEX 2018) sa Ayala Mall, Legazpi City kamakailan.

Sa tulong ng LGU Daet at sa pamamagitan ng Negosyo Center, itinampok sa naturang expo ang mga natatanging food products ng maliliit na food processors ng bayan ng Daet kasabay ng iba pang mga produkto mula sa ibat ibang panig ng rehiyon.

Mismong si Negosyo Center Manager Ma. Eliza H. Llovit ang naging gabay ng limang MSME’s mula sa bayan ng Daet sa naturang Expo.

Nakadaupang palad pa ng mga exhibitors si Department of Tourism Regional Director Benjamin Santiago na nagpahayag ng suporta at pagkilala sa pagsisikap ng Lokal na Pamahalaan ng Daet na maipakilala hindi lamang sa probinsiya, rehiyon maging sa international market ang produkto ng bayan kasabay ng layuning mas mapaunlad pa ang negosyo ng mga MSME.

Nabatid na ang paglahok dito ay isa lamang sa mga programa ng LGU Daet sa pamumuno ni Mayor Benito “B2K” Ochoa na nagbibigay ng pagkakataon sa mga maliliit na negosyante ng bayan ng Daet na maipakilala pa sa mas malawak na merkado ang kanilang produkto.

Magugunitang nito lamang nakatalikod na Abril, taong kasalukuyan, ay nakilahok din ang isang MSME mula sa bayan ng Daet sa Philippine Food Expo sa tulong at suporta pa rin ng LGU at Negosyo Center.

 

Camarines Norte News