Setyembre 1, 2018, Daet, Camarines NorteFake News! ayun sa PNP ang kumakalat ngayon na impormasyon sa social media tungkol sa umano’y darating sa kabikolan kabilang na sa lalawigan ng Camarines Norte ang malaking bilang ng kapulisan mula sa ibang lugar upang magsagawa ng check points  simula bukas, mula alas siete (7am) ng umaga alas diyes (10pm) ng gabi.

Ayun pa sa mga kumakalat na impormasyon, kabilang din sa mga darating and mga miyembro ng intelligence group ng PNP upang magtanim umano ng mga illegal na droga sa mga mahuhuling motorista sa mga itatalagang check points.

Layunin daw ng nasabing pagkilos ay upang mapatunayan ni pangulong Rodirgo Duterte na dito sa rehiyong Bicol nanggagaling ang droga.

Ayun pa sa kumakalat na fake news, bukod sa mga check points, kabilang din sa kikilos ang mga kawani mula sa HPG, LTO, PSO, LTFRB.

Sa follow up ng Camarines Norte News sa Public Information Office ng Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO), sinabi ni SPO2 Sheralyn Elizario Samonte na walang katotohanan ang nasabing mga impormasyon at pawang gawa-gawa lamang.

Anya, naniniwala ang kapulisan ng Camarines Norte na hindi magpapalabas ng ganitong kautusan ang pangulo ng bansa.

Sinabi pa ni SPO2 Elizario Samonte na ang pulis ay jurisdictional, o may kanya-kanyang area of jurisdiction and responsibility ang bawat unit o station.

Malabo din anya ang sinasabing sa naturang fake news na maging ang Intelligence unit ay magsasagawa ng pagtatanim ng droga sa mga motorista dahil hindi naman trabaho ng intel ang mag sagawa ng check points. Tanging ang trabaho lamang anya ng intel ay mangalap ng impormasyon na makatutulong upang mapagbuti ang peace and order sa lugar.

Ang malisyosong mga impormasyon anya na kumalat ay maaaring magdulot lamang ng takot sa hanay ng mga motorista sa mga regular na isinasagawang check points sa lalawigan ng mga kapulisan.

Dagdag pa ni SPO2 Samonte, walang dapat na ikatakot ang mga mamamayan lalo’t higit ang mga motorista sa mga check points sa lalawigan dahil ginagawa lamang nila ang lahat upang mabigyan ng proteksyon at mapagsilbihan ang mga mamamayan.

Anya, upang maiwasan ang mga problema sa biyahe, sumunod na lamang sa mga itinatakda ng batas partikular ang pagsusuot ng helmet ng mga motorcycle riders at maging ang angkas nito, tiyakin na nakarehistro ang sasakyan, may lisensya ang nagmamaneho at umiwas sa mga paglabag.

Samantala, makikita naman sa larawan ang tamang proseso ng lehitimong check na isinasagawa saan mang panig ng bansa.

 

Rodel M. Llovit

Cool Radio News

For Camarines Norte News