Setyembre 7, 2018, Daet, Camarines Norte – Ipinagdiriwang sa lalawigan ng Camarines Norte ang selebrasyon ng ika-118 Serbisyo Sibil ngayong buwan ng Setyembre na may temang “Lingko Bayani: Maka-Diyos, Makatao, Makabayan”.

Sa bahagi ng programa ng mga gawain ay una nang isinagawa ang pagtataas ng bandila sa kapitolyo probinsiya na pinangunahan nina Enida B. Abordo, Provincial Director ng Civil Service Commission (CSC) ng Camarines Norte at ni Alvin Tallado, Provincial Administrator ng pamahalaang panlalawigan

Ang provincial colors naman ay pinamunuan nina Vice Governor Michael G. Canlas at PSSupt. Cerilo D. Trilles, Jr., Provincial Director ng Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO) ganundin ang municipal color ng bawat bayan.

Pormal na ring binuksan ang Inter-Agency Sportsfest kabilang na ang basketball, volleyball, badminton at iba pang mga palaro na isinasagawa sa Agro-Sports Center ng kapitolyo.

Sinundan naman ito ng penlight parade kung saan nakiisa sa naturang parada ang mga kawani ng pamahalaang nasyunal at lokal ganundin ang mga empleyado ng pamahalaang panlalawigan.

Ang naturang gawain ay kaugnay sa inilabas na Atas Tagapagpaganap blg. 2018-013 ni Gobernador Jonah G. Pimentel na nag-apruba at nagpahintulot sa naturang pagdiriwang simula sa ika-3 ng Setyembre na itinakda bilang panimulang araw ng isang buwang selebrasyon.

Hinihikayat ang lahat ng sangay ng pamahalaang lokal, pambansang ahensiya kasama ang korporasyong pag-aari at kontrolado ng pamahalaan, mga pamantasan at kolehiyong pang-estado na saklaw ng lalawigan ay inaatasang makiisa, sumuporta, makilahok at tumulong para sa matagumpay na selebrasyon ng anibersaryo ng buwan ng Serbisyo Sibil.

 

Reyjun Villamonte

For Camarines Norte News