Setyembre 10, 2018, Daet, Camarines Norte – Patay ang isang kapitan mula sa bayan ng Daet habang sugatan naman ang tatlo pang kasamahan nito nang aksidenteng sumalpok sa isang puno ang sinasakyang SUV sa kahabaan ng Maharlika Highway sakop ng Purok 3, Brgy. Daguit, Labo, Camarines Norte kaninang madaling araw.

Kinilala ang nasawing Punong Barangay na si PB Ramon Abaño Jr. ng Brgy. VII sa bayan ng Daet habang kinilala naman ang mga kasamahan nitong kapwa Punong Barangay ng Daet na sina PB Nicanor Paliza ng Brgy. Pamorangon, PB Edwin Ferrer Jr. ng Brgy. II, PB Rosito Panotes ng Brgy Borabod at LGOO VI Rannel Domasig ng DILG Daet.

Ayon sa mga residente sa lugar, binabaybay ng Montero na may red plate SKN 213 ang nasambit na kalsada patungo sa bayan ng Daet ng bigla na lamang itong sumalpok sa isang puno sa lugar.

Agad na dinala ng mga rumispondeng personel ng MDRRMO Labo at Daet ang mga biktima sa Camarines Norte Provincial Hospital para sa karampatang lunas. Samantalang sa isang pribadong pagamutan naman sa bayan ng Daet dinala si ginoong Domasig.

Agad na inirekomenda ng mga doktor sa CNPH na dalhin sa lunsod ng Naga si Punong Barangay Abaño dahil sa malubhang tama nito sa ulo. Subalit sa kasawiang palad, ilang sandali pa, binawian na rin ito buhay bago pa man madala sa pagamutan sa Naga.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Labo MPS, sa pag dating sa isang sharp curve sa nasambit na lugar, sumabog ang gulong ng sasakyan na naging dahilan ng pagkawala ng kontrol nito at tuluyang bumangga sa isang punong kahoy.

Mula sa Metro Manila ang mga punong barangay upang magdala ng mga resolusyon sa senado. At dahil inabot na ng weekend, nagpaiwan na lamang ang kanilang pangulo ng Liga na si PB Peter Musa upang sya nang personal na magdala sa senado ng mga komunikasyon kinabukasan, araw ng lunes.

 

 

Camarines Norte News

Photos courtesy of Nardz Hernandez and Alily Aban