Setyembre 10, 2018, Daet, Camarines Norte –Naglabas na ng Commission on Elections (COMELEC) ng mga rules and regulations sa paghahain ng Certificates of Candidacy (COC) para sa May 2019 National and Local Elections.

Ayon sa COMELEC, ang filing ng COCs ay magsisimula sa Oktubre 1 hanggang Oktubre 5, 2018 mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.

Kasabay din sa naturang schedule ang deadline ng Certificate of Nomination at Certificate of Acceptance of Nomination para sa mga party-list groups.

Base sa Resolution No. 10420, walang sinuman ang maaring tumakbo sa posisyon ng pagka-senador, kongresista, provincial, city, municipal, o ARMM regional official kung hindi nakapaghain ng sworn COC na siyang iniutos ng komisyon.

Ang mga indibidwal naman na humahawak ng isang public appointive office o position, kabilang ang mga aktibong miyembro ng AFP at iba pang tauhan at empleyado ng Government-Owned or Controlled Corporations (GOCCs) ay ikukunsiderang nag-resign sa kanilang pwesto sa pagsisimula ng COC filing.

Gayunpaman, ang mga elected officials naman ay hindi ikukunsiderang resigned.

Paalala pa din ng poll body na ang COCs ay hindi pwedeng ipadala sa pamamagitan ng mga kagamitang elektroniko tulad ng mail, e-mail o facsimile bagkus ay dapat personal itong i-file ng indibidwal na nagnanais kumandidato.

Nagpaalala din ang komisyon na ang mga COCs, certificates of nomination and certificates of acceptance ay dapat na kumpleto at nasa form na itinakda ng ahensiya.

Samantala, siniguro naman ng COMELEC na nananatiling silang nakatuon sa paghahanda para sa 2019 midterm elections sa kabila ng mga agam agam na  kanselahin ito para matiyak ang pagkakapasa ng federal constitution at maayos na pagpapapalit ng sistema ng pamahalaan.

 

Camarines Norte News