Setyembre 9, 2018, Daet, Camarines Norte – Kaalaman at karanasan sa pag gamit ng baril ang bitbit pauwi ng mga lokal na mamamahayag sa lalawigan ng Camarines Norte matapos ang matagumpay na 1st PD Cerillo Trilles Media Fun Shoot na isinagawa kahapon sa Firing Range ng Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO).

Dinaluhan ang nasambit na aktibidad ng hindi bababa sa 30 personalidad mula sa print, TV at broadcast media sa buong lalalwigan ng Camarines Norte.

Dahil karamihan ay baguhan sa paghawak at pag gamit ng baril, nagsimula ang fun shoot sa pamamagitan ng lecture kung saan isa-isang tinuruan at inalalayan ng mga kapulisan na nagsilbi rin bilang range officers ang mga mamamahayag ng gun safety at marksmanship o ang sining ng paggamit ng baril.

Nagkaroon ng dalawang (2) short courses para sa mga mamamahayag kung saan itinuro ang precision para sa mga baguhan at record firing naman para sa mga sasalang sa kumpetisyon.

Pagkatapos ng praktis ay nagkaroon ng kompetisyon sa pamamaril kung saan nasungkit ni Jun Quibral ng Cool Radio News Fm ang kampeonato, 1st runner up naman si Ronald Molina ng Brigada News Fm at 2nd runner up si Noli Macawili ng Love Radio Daet.

Sa mensahe ni PD Trilles, ipinahayag nito ang kagalakan sa paghohost ng naturang aktibidad na aniya ay unang beses niyang ginawa sa panahon ng kaniyang panunungkulan. Ito aniya ay sa pakikipagtulungan  at pagsisiskap na rin ni CN AFP-PNP Press Corps President Ricky Pera.

Dagdag pa ni Trilles, ang ginanap na fun shoot ay hindi naglalayon na gumaling ang mga mamamahayag sa pag gamit ng baril bagkus ay upang mas mapatatag ang pagsasamahan ng kapulisan at ng media na may iisang layunin na makapag serbisyo sa mga mamamayan partikular na sa mga Camnorteño.

Pinuri din ng Provincial Director ang mga media personalities mula sa lalawigan na aniya ay tinawag ni Regional Director Chief Supt. Arnel Escobal bilang isa sa mga pinaka propesyal na media practitioners sa buong rehiyon dahilan sa ipinamalas ng mga ito na asal sap ag ganap ng kanilang tungkulin nang huli itong bumisita sa lalawigan.

Aniya ang karangalang ito ay karangalan din ng CNPPO bilang katuwang sa pagseserbisyo.

 

Camarines Norte News

Photos courtesy of Romel Del Moro and CNPPO