Setyembre 7, 2018, Daet, Camarines Norte – Hinikayat ni Mayor Alexander P. Lo ng bayan ng Mercedes ang mga opisyal ng barangay dito na ibahagi sa kanilang mga lugar ang mga natutunan sa isinagawang Information Caravan/One Stop Shop ng Camarines Norte Communication Network (CNCN).

Ayon kay Lo, ang ganitong gawain ay napalaking bagay sa ating bayan lalo na sa ating mga barangay opisyal dahil hindi na kailangan pang pumunta sa mga tanggapan ng pamahalaang nasyunal dahil dito pa lamang ay maaari ng masolusyunan at matugunan ang mga katanungan o problema na kailangang sagutin ng ibat-ibang tanggapan.

Aniya, ito ay kanilang maaaring ibahagi ang mga kaalaman at impormasyon kapag mayroong sesyon sa kanilang lugar o asembliya ganundin ay maging makabuluhan at hindi masayang ang mga natutunan mula sa bat-ibat ahensya ng pamahalan.

Samantala, ipinahayag naman ng kinatawan ng Social Security System (SSS) ang kahalagahan ng SSS kaugnay sa kanilang isinasagawang pagbisita sa mga barangay upang magbigay ng mga kaalaman ukol dito.

Ayon kay CEO Myrna G. Emata, ang SSS ay isang batas na itinatag ng gobyerno noong Setyembre 1, 1957 sa ilalim ng Republic Act 1161 batay rin sa Republic Act 8282 o Social Security Act of 1997 para sa proteksiyon ng mga mamamayan sa mga hindi inaasahang pangyayari na nakakaapekto sa ating pinansiyal.

Inihayag rin ng mga hepe at kinatawan ng mga ahensiya ang kanilang mga programa, proyekto at serbisyo, kabilang ang Camarines Norte State College (CNSC), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), Department of Information and Communications Technology (DICT), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Social Security System (SSS), Department of Interior and Local Government (DILG) at Commission on Elections (COMELEC).

Kasama rin na nagbigay ng serbisyo ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Health (DOH), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Philippine National Police (PNP) ng Mercedes, Department of Trade and Industry (DTI), Department of Science and Technology (DOST), Department of Education (DepEd), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) ng pamahalaang panlalawigan

Tinalakay rin sa programa ang kahalagahan ng Freedom of Information (FOI) ni Rosalita B. Manlangit, Information Center Manager ng Philippine Information Agency (PIA) ng Camarines Norte sa pamamagitan ng Atas Tagapagpaganap Blg. 2 sa Malayang Pagkuha ng Impormasyon (FOI).

 

Reyjun Villamonte

Camarines Norte News