Setyembre 13, 2018, Daet, Camarines Norte – Dismayado ang ilang guro at mga magulang sa lalawigan dahil sa diumano ay hindi maagang pagdeklara ng kanselasyon ng mga klase sa mga paaralan sa ilang bahagi ng lalawigan ng Camarines Norte.

Ito ay matapos na maunang magdeklara ng walang pasok sa lahat ng level ng mga eskwelahan ang mga probinsiya ng Catanduanes, Camarines Sur, Sorsogon na sinundan pa sa ibat ibang panig ng rehiyon simula pa kahapon at kagabi, hanggang ngayong araw ng huwebes, Setyembre 13 dahilan sa bagyong Ompong.

Samantalang sa lalawigan naman ng Camarines Norte ay ipinaubaya na lamang sa mga Mayor ng bawat bayan ang pagkakansela ng klase base sa pagpupulong ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) kahapon.

Kasunod nito, bago ang oras ng klase kaninang umaga ay maaga nang nagdeklara na walang pasok sa lahat ng pribado at pampublikong paaralan sa lahat ng antas sa ilang bayan sa lalawigan partikular na ang bayan ng Daet, Mercedes, Basud, Labo at Talisay habang nauna nang magkansela kahapon ang bayan ng Vinzons.

Dismayado naman ang ilang mga kaguruan at mga magulang ng mga mag aaral sa natitira pang mga bayan sapagkat kung kelan aniya nasa paaralan na ang mga guro at mag aaral ay siya namang pagdeklara na walang pasok na halos alas otso na ng umaga habang ang ilan naman ay nagkansela lamang ng klase sa ilang antas.

Hiling nila na sana ay maagang ginawa ang pag anunsiyo sapagkat mahirap para sa mga ito na pumasok sa malalayong dako ng mga paaralan partikular sa mga kabundukan at mga tawid dagat dahilan sa pag aalala na mahirap umuwi kung aabutin sila ng sama ng panahon sa mga daan o karagatan kapag nagsimulang sumungit na ang panahon.

 

Orlando Encinares

Camarines Norte News