Setyembre 21, 2018, Talisay, Camarines Norte – Katuparan ng isang pangarap kung ituring ng mga residente mula sa Purok 2, Purok 3 at Purok 4 ng Brgy. Caawigan, Talisay, Camarines Norte ang naisakatuparang proyektong patubig ng Prime Water – Camarines Norte/Camarines Norte Water District na Caawigan Extension Line Project.

Ang nasabing proyekto ay ang 630 lm x 160 mm Φ uPVC Pipe and 762 lm x 110 mm Φ uPVC Pipe Extension Line na magsusupply ng malinis at ligtas na tubig sa hindi bababa sa animnaput anim (66) na kabahayan sa naturang lugar.

Kaninang umaga nga ay isinagawa ang blessing and inauguration ng nasabing proyekto na dinaluhan ng mga benepisyaryo sa nasambit na lugar, mga kawani at opisyal ng Prime Water/CNWD, mga miyembro ng lokal na media at mga opisyal ng pamahalaan.

Pinangunahan ni Rev. Fr. Edwin J. Abel ng St. Francis of Assissi Parish ang blessing ng proyekto matapos ang ribbon cutting na pinangunahan ni CNWD General Manager Maria Antonia Bernandina F. Boma kasama si Bokal Pol Gache, Engr. Antonio E. Galvez, Brgy. Chairman Filomino Villagracia, CNWD BOD Chairman Adolfo Ogad at mga miyemro ng board.

Sinundan naman ito ng symbolic opening of fire hydrant na pinangunahan ni Prime Water CN Branch Manager Engr. Mark Anthony F. Muroda.

Matapos ito ay isinagawa naman ang inaugural program sa covered court ng naturang barangay kung saan nagbigay ng mensahe ang pinuno ng bayan, barangay, maging ang mga opisyal ng Prime Water/CNWD.

Sa pahayag ni Punong Barangay Villagracia, ipinahayag nito ang labis na kagalakan sa aniya ay isang pangarap na hinintay nilang maisakatuparan sa loob ng halos tatlong dekada at ngayon nga ay kanila nang matatamasa kaya naman ipinaabot nito ang pasasalamat sa pamunuan ng Prime Water/CNWD at sa mga opisyales ng pamahalaang bayan na tumulong sa kanila upang maisakatuparan ang proyekto.

Ayon naman kay Prime Water Branch Manager Muroda, ang naisakatuparang proyekto ay bunga ng magandang samahan ng gobyerno, CNWD, LGU at barangay. Nagpasalamat din ito sa pasensiyang inilaan ng mga mamamarangay sa paghihintay dahilan sa maraming pinagdaanan ang proyekto bago maisakatuparan. Natutuwa rin umano sila na naihabol ang naturang proyekto bago pa man matapos ang taong kasalukuyan at ibinalita din nito na sasailalim na sila sa pagpaplano ng mga proyekto para naman sa susunod na tao.

Nilinaw naman ni CNWD General Manager Boma na hindi aniya totoo ang una nang bali-balita na ibinenta na ang CNWD bagkus ay naghanap lamang sila ng katuwang sa ngalan ng Prime Water upang mas mapabilis ang progreso na maihahatid sa mga miyembro konsumidores na ngayon nga nakikita at natatamasa na ang mga produkto ng kanilang partnership.

Hiniling naman ni PWIC South Luzon Operations Head Galvez sa mga mamamarangay na makikinabang sa patubig na maging responsible. Aniya, mahalaga ang tubig subalit may kaakibat itong responsibilidad tulad na lamang ng pagpapaabot sa kanilang tanggapan kung mayroong makitang mga leakage upang hindi masayang ang tubig gayundin ang regular na pagbabayad sa serbisyo ng tubig upang maiwasan na maputulan at patuloy na mapakinabangan ang malinis at ligtas na tubig na matagal nilang hinintay.

 

Camarines Norte News