Oktubre 6, 2018, Daet, Camarines Norte – Kasalukuyang itinatampok sa kamaynilaan ang mga produkto likha ng mga Bikolano kasama na ang mga produkto ng bayan ng Daet sa isinasagawang Orgullo Kan Bikol Regional Trade and Travel Fair 2018 sa Megatrade Hall 3 ng SM Megamall sa Metro Manila.

Sa pamamagitan ng Department of Trade and Industry (DTI) Camarines Norte at Lokal na Pamahalaan ng Daet sa pamumuno ni Mayor Benito Ochoa at Negosyo Center sa pamamahala naman ni Negosyo Center Manager Ma. Eliza H. Llovit, apat (4) na Micro Small and Medium Enterprises (MSME’s) mula sa naturang bayan ang ipinadala sa nasambit na fair upang maitampok ang kanilang mga sariling gawang produkto.

Ang nasambit na mga MSME’s ay ang Daet Food Processors Association, Luchie’s Cakes and Pastries, Abby’s Pasalubong at Tiffy’s Food Products na pawang nakipagsabayan sa may kabuuang 163 exhibitors.

Ang Orgullo Kan Bikol Regional Trade and Travel Fair ay isang taunang proyekto/programa/aktibidad na inorganisa ng OK Bikol Association Inc. sa pakikipagtulungan ng Department of Trade and Industry (DTI)-Region 5 at  Department of Tourism (DOT)-Region 5 na itinuturing na pinakamatagal at pinakamalaking DTI-organized regional trade fair sa buong Pilipinas kung saan sama-samang dinadala at itinatampok sa isang central platform tulad ng kamaynilaan ang mga produkto mula sa ibat ibang bayan at lalawigan ng Kabikulan upang mas maipakilala ang mga natatanging produkto ng bawat lugar sa rehiyon.

Layunin din nitong maiangat ang potensiyal ng mga MSME sa larangan socio-economic trade/industry at makahikayat ng mas malawak na oportunidad sa larangan ng tourismo at pagnenegosyo mula sa mga stakeholders, concerned individuals, institution at publiko.

Nagsimula ang nasambit na trade and tourism fair nitong nakatalikod na araw ng huwebes, Oktubre 4 ng taong kasalukuyan at magtatapos ito bukas, Oktubre 7, 2018.

 

Camarines Norte News