Oktubre 5, 2018, Labo, Camarines Norte – “Namiss ko po kayong lahat, mahal na mahal ko po kayo”. Ito ang madamdaming pahayag ni Hon. Edgardo ‘Egay’ Tallado matapos ang mainit na pagsalubong ng daan-daang mga mahihirap na mga mamamayan na dumalo sa isinagawang Peace Caravan and Turn-Over of 2017 Pamana Projects sa Barangay Talobatib, Labo, Camarines Norte kahapon, Oktubre 4, 2018.

Sa kanyang pagsasalita, sinabi ni Hon. Tallado na makasaysayan ang araw na ito, dahil ang matagal nang problema ng Barangay Talobatib hingil sa malinis na inuming tubig (Water System) ay nagkaroon na ang katuparan.

Napakasuwerte aniya ng mga nakatira sa dalawang Barangay dahil aabot sa apat na daang ( 400 ) pamilya ang makikinabang sa barangay Mahawan-hawan at Barangay Talobatib sa bayan ng labo sa Potable Water Supply System Project, na pinondohan ng aabot sa labing- limang ( 15,000.000.00 ) milyong piso.

Isa pa aniya ay ang pamamahagi ng mga Agricultural Machinery na nagkakahalaga naman ng tatlumpung ( 30,000.000.00 ) milyong piso na magagamit ng mga magsasaka sa mabilis at maayos na pagtatanim gamit ang mga makabagong teknolohiya.

 

 

Sinabi pa ni Hon. Tallado na napakalaking tulong din para sa mahihirap na pamilya ang programa ng Provincial Veterenaty Office dahil aabot sa anim na daang ( 600 ) mga alagaing baka ang naipamahagi sa pamamagitan ng Provincial Cattle Dispersal Program ng Provincial Government ng Camarines Norte, at ang kalahati sa mga ito ay nanganak na at nakatakda nang ipamahagi sa buong lalawigan ng Camarines Norte.

Pinasalamatan din ni Hon. Tallado ang Office of the Presidential Adviser on Peace Process ( OPPAP ) sa pamamagitan ni Atty. Sherwin D. Vizconde, Director 1V PAMANA-NPMO, dahil sa walang sawang pagsuporta na ibinibigay sa lalawigan ng Camarines Norte.

Kaugnay nito, ibinida naman ni Atty. Sherwin Vizconde ang pamamahala ni Hon. Edgardo Tallado sa lalawigan ng Camarines Norte. Aniya, halos lahat ng probinsya at lungsod sa buong pilipinas ay naikot na niya, subalit tanging ang lalawigan ng Camarines Norte ang may magandang programa hingil sa Multi- Services Caravan.

Nagpasalamat din ang opisyal kay Hon.Tallado dahil sa walang tigil sa pagpa-follow-up sa tanggapan ng OPAPP na nagresulta ng madaliang pag-apruba sa mga kahilingan para sa mga magsasaka.

Samantala, bagamat hindi maganda ang pakiramdam ng kasalukuyang gobernador na si Gov. Jonah G. Pimentel dahil sa trangkaso, hindi pa rin ito nag-atubili na puntahan ang napakahalagang aktibidad. Sa kanyang mensahe, nanawagan ang Gobernador sa mga kritiko ng administrasyong Tallado na huwag nang palalain pa ang isyu ng pagdalo ni Hon. Tallado sa naturang pagtitipon.

Aniya, ang lahat ng mga biyayang natatanggap ng mga mahihirap na magsasaka ay galing sa pagsisikap ni Tallado kung kayat nagkaroon ng katuparan ang kanilang mga kahilingan. Pinasalamatan ni ni Gov. Pimentel si Pangulong Rodrigo Roa Duterte dahil sa patuloy na pagkalinga sa lalawigan ng Camarines Norte.

Sa huli ay banaag sa mukha ng mga dumalo ang labis na kasiyahan habang papauwi bitbit ang mga biyayang kanilang natanggap matapos ang nasabing gawain.

 

Lino Malabanan (96.9 Dwcn – Radyo Pilipinas)

For Camarines Norte News

Photos courtesy of Romil Del Moro