Oktubre 8, 2018, Daet, Camarines Norte – Bukas na para sa mga pensiyonado ng Social Security System (SSS) ang Pension Loan Program sa alinmang mga branches ng naturang ahensiya kasama na ang SSS Daet.

Ang Pension Loan Program ay bukas na sa 20 branches sa bansa bilang pilot program na magbibigay ng pension loan para sa mga pensiyonado na umaabot sa P32,000 na babayaran sa loob ng tatlo at anim na buwan hanggang isang taon at ito may nakalaang P10 bilyon para magamit sa pagpapautang.

Ayon kay President at Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc ng SSS sa kaniyang pagbisita sa lalawigan kamakailan, ang mga pensiyonado ay maaaring magtungo sa alinmang tanggapan ng SSS kung sila ay interesadong mag-aplay at depende rin ito sa kanilang monthly salary credit at maaari silang umutang.

Aniya, kasama rin sa pension loan ang insurance coverage sakaling mamatay ang pensiyonado ay mababayaran niya ang kanyang inutang at kung mayroon namang sumubra sa insurance sa balanse ng loan ay mapupunta ito sa kanyang benepisyaryo.

Ipinaliwanag rin ni Dooc ang mga nais makatanggap ng pensiyon ay dapat na nakapaghulog ng hindi bababa sa 120 buwan o 10 taon at kung nawalan ng trabaho o hindi nakapaghulog matapos ang walong taon ay dalawang taon na lamang ang maaaring kontribusyon para maging kwalipikado.

Ang mga nakapaghulog na sa loob ng 10 taon ay kailangan pa rin na ipagpatuloy ito hanggang sa umabot sa edad na 65 o mandatory retirement ganundin ang mga nasa edad na 60 taong gulang na hindi na naghahanapbuhay at wala na ring pinagkakakitaan.

Ipinahayag pa ni Dooc ang mga nahinto sa paghuhulog ng kontribusyon sa SSS dahil nawalan ng hanapbuhay at muling nakabalik sa trabaho ay obligasyon ng kanilang bagong employer na ipagpatuloy ito.

Sakali naman na walang employer kundi sariling pagsisikap o nagnenegosyo ay maaaring ipabago ang estado mula sa employed to self-employed o kaya ay voluntary member para makahulog ng kontribusyon sa SSS.

Ang SSS Daet Branch ay nagbukas na rin ng mga tanggapan sa mga lokal na pamahalaan sa bayan ng Sta. Elena, Jose Panganiban at Labo na malaking tulong sa mga benepisyaryo.

Reyjun Villamonte

Camarines Norte News