Oktubre 8, 2018, Jose Panganiban, Camarines Norte – Nilalapatan ngayon ng lunas sa Panlalawigang Pagamutan ang isang motorcycle rider matapos magtamo ng tama ng bala mula sa pamamaril ng di nakilalang suspek sa Purok 4, Brgy. Sitio Dilian, Brgy Luklukan Sur, Jose Panganiban, Camarines Norte.

Kinilala ang biktima na si Edgar Galvez, 49 anyos, may asawa at residente ng Brgy. Bagumbayan ng parehong bayan.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Jose Panganiban Municipal Police Station, dakong 12:00 ng tanghali kanina nang bigla na lamang paputukan ng di nakilalang suspek ang biktima habang pasakay ito sa pag aari nitong motorsiklo.

Matapos ang pamamaril ay agad din umanong tumakas ang suspek patungo sa bulubunduking bahagi ng lugar habang agad namang isinugod sa Jose Panganiban Primary Hospital ang biktima na kalaunan ay inilipat din sa Camarines Norte Provincial Hospital para sa atensiyong medikal.

Sa kasalukuyan ay inaalam pa ang motibo sa pamamaril gayundin ang kalibre ng armas na ginamit sa krimen.

Nagsasagawa na hot pursuit operation ang nasambit na himpilan ng kapulisan katuwang ang Philippine Army upang matukoy ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng tumakas na suspek.

 

Camarines Norte News