Oktubre 8, 2018, Daet, Camarines Norte – Umaabot sa tatlong daan (300) na mga senior citizens mula sa 25 barangay ng bayan ng Daet ang nabigyan ng serbisyo sa isinagawang Special Multi-Services Caravan sa Camarines Norte Agro Sports Center kamakalawa, Oktubre 6, 2018.

Ibat ibang serbisyo ang ipinaabot ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Gov. Jonah Pimentel sa mga nakatatanda tulad na lamang ng libreng salamin, libreng gupit,hot oil, medical at dental check up, libreng mga bitamina, gamot, maging ibat ibang uri ng mga pananim.

Labis naman ang tuwa ng mga benepisyaryong senior citizens sa pagpapatuloy ng naturang caravan na sinimulan ni Hon. Edgardo “Egay” Tallado taong 2011 bilang pagpapadama ng abot kamay na serbisyo ng gobyerno sa lahat ng CamNorteño tulad ng ipinangako nito bago pa man ito manungkulan.

Anila, malaking bagay ang pagkakaroon ng mga kahalintulad na serbisyo ng pamahalaan na mismong inilalapit pa para sa mga mamamayan lalung lalo na sa tulad nilang mga nakatatanda.

 

Camarines Norte News

Photos courtesy of Lino Malabanan